(NI ESTONG REYES)
INIHAYAG ni Senador Manny Pacquiao na tuluyan nang kinasuhan ang 21 katao kabilang ang mastermind, coaching staff at players ng SOCCSKSARGEN team na naglalaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Department of Justice (DOJ).
Sa press conference na ginanap sa Sofitel Hotel sa Pasay City, sinabi ni Pacquiao, founder and chairman ng MPBL, na binuo niya ang naturang liga dahil bukod sa passion niya ito, gusto niyang makatulong na lumikha ng trabaho.
“Unprofessional ang ginagawa nila. Dapat makapagbibigay tayo ng trabaho sa kanila, ngunit sinira nila ang integridad ng MPBL kaya kinasuhan namin sila sa DOJ,” ayon kay Pacquiao.
Sinabi pa ni Pacquiao na bilang senador, gagawin nya ang lahat upang makulong ang lahat ng sangkot sa points shavings at game fixing na pawang paglabag sa Presidential Decree No. 1602.
Kabilang sa mga kinasuhan sa DOJ sa ilang counts ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602;
- Mr. Sung
- Kevin Espinosa
- Alyas Kein
- Alyas Emma, pawang interpreter ni Sung
- Serafin Matias
- EJ Avila
- Nino Dionisio
- Ferdinand Melocoton
- Nice Ilagan
- Sonny Uy
- Jake Diwa
- Exequiel Biteng
- Ricky Morillo
- Jerome Juanico
- Matthew Bernabe
- Julio Magbanua
- Abraham Santos
- John Patrick Rabe
- Ryan Regalado
- Janus Lozada
- Joshua Alcober
Sinabi pa ni Pacquiao na mayroon silang anim na testigo na pawang sangkot sa dayaan ngunit bumaligtad at nagsumbong sa kanya na siyang kinunan ng affidavit ng National Bureau of Invesgation (NBI).
“Inisyal pa lamang ito, mayroon pang ibang players at sibilyan na iniimbestigahan ng NBI , kaya humanda kayo,” ayon kay Pacquiao.
“As of now, 21 pa lang ito, the investigation will continue. Inaaral pa ang ebidensiya upang makasama sila sa kaso,” giit pa niya.
Aniya, sa opening pa lamang ng liga, binalaan na niya ang lahat laban sa game fixing. “Sinabi ko, huwag nilang gawin yan. Sa bawat laro ninyo, niloloko niyo ang taumbayan.”
Aniya, ginagamit ng sindikato ni Mr. Sung na pinatataya ang sinuman sa halagang P750, 000 kapalit ng P18 milyon kapag natsambahan mo ang lamang ng kalaban ng SOCCSKSARGEN or vise versa gamit ang Bet 365 sa casino.
“Pinatataya nila ang sugarol ng halagang P750,000 na mananalo ng P18 milyong kung mahuhulaan mo nang perpekto ang lamang ng kalaban sa una, ikalawa, ikatlo at ikaapat na quarter ng bawat laro,” ayon kay Pacquiao.
Binibigyan din ng sindikato ang mga sangkot na players at coaching staff ng halagang P20K hanggang P30K kada laro.
“May nakikita kaming mali sa games, kasi panalo na, they keep on fouling. 20 points na lamang ng kalaban, tumatawag pa ng timeout ang SOCCSKSARGEN,” ayon kay Kenneth Duremdes, commissioner ng MPBL.
170