ITINUTURING ng isang mambabatas sa Kamara na pag-abandona sa mamamayan ang ibinigay na ‘green light’ ng Department of Health (DOH) para sa sariling pagsasailalim sa antigen test ng mga tao.
“A sign that the Duterte administration will once again leave the Covid-fatigued Filipino to fend for themselves,” parunggit ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.
Taliwas aniya ang aksyong ito ng gobyerno sa panawagan ng marami na magsagawa ng mass testing at hindi na pagastusin pa ang mga tao upang malaman ang tunay na bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
“In a sense it is like reiterating the oft repeated line of Pres. Duterte, ‘Bahala na kayo sa buhay n’yo'”, ayon pa sa mambabatas.
Ayon sa mambabatas, malaking gastos pa rin sa tao ang antigen dahil hindi naman nagbibigay ng libreng kits ang gobyerno partikular ang DOH.
Sa ngayon ay nagkakahalaga ng P300 hanggang P400 ang antigen kit.
Nauna nang sinabi ni Acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi masigasig ang Malakanyang na sagutin ang halaga ng antigen COVID-19 test, kabilang na iyong mga gagamitin sa mga bahay, habang nakabinbin ang rekomendasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).
“We’ll also need the FDA to chime in on that, as far as using home test kits. What home test kits that the FDA is going to allow?” ayon kay Nograles.
Sa ilalim ng umiiral na polisiya, tanging may mga sintomas lamang at ang kanilang close contacts ang “subject” sa RT-PCR test na babayaran ng gobyerno. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
237
