PAG-ABOLISH SA PARTY-LIST, PANAHON NA?

NOONG 1995, pinirmahan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang Republic Act 7941 o Party-List System Act para magkaroon ng kinatawan ang mga marginalize sector sa ­Kongreso.

Kasama ang party-list system sa nabuong 1987 Constitution na ang orihinal na layun nito ay magkaroon ng representasyon ang mga community sector at iba pang grupo tulad ng labor, magsasaka, urban poor, katutubo, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor maliban sa religious sector.

Pinaglaanan ng 20% seat ang party-list group sa Kongreso at kailangan lang nilang makakuha ng 2% votes sa cast vote para magkaroon ng isang kinatawan at kapag umabot ng 6% boto ang kanilang nakuha magkakaroon sila ng 3 kinatawan.

Unang nagkaroon ng party-list election noong 1998 pero ­naging popular ang party-list noong 2001 at noong una ay mga mula sa nabanggit na sektor ang umupo sa Kongreso.

Pero sa pag-inog ng panahon, hindi lang sa mga nabanggit na sektor nagkaroon ng party-list organization kundi kung sino-sino na lamang matapos ang 2013 decision ng Korte Suprema na hindi lang exclusive sa marginalized sector ang nasabing sistema.

Kung ano-anong grupo na ang itinayo at inirehistro bilang party-list organization sa Commission on Elections (Comelec) kaya tuwing eleksyon, napakarami ang sumasali na sa party-list election.
Ang masaklap, naisantabi na ang mga totoong marginalized sector dahil ang naghahari ngayon sa party-list system ay ‘yung mga mayayaman na may kakayahang gumastos tuwing election.
Kung titingnan mo ang mga kinatawan ng mga party-list ­organization sa Kongreso, ­mayayaman at mukhang hindi naman talaga mula sa marginalized sector at sabi nga ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinamantala naman ng mga kalaban ng estado kaya dapat nang buwagin.

Tuwing election, nakikipagsabayan ang mayayamang party-list sa political ads ng senatorial candidates sa telebisyon bagay na hindi kaya ng mga totoong marginalized sector.

Mantakin n’yo bawat labas ng political ads nila, hindi bababa sa P700,000 ang gastos nila? Saan naman kukuha ang mahihirap na sektor na nais ikatawan ang kanilang grupo sa Kongreso?
Saan ka naman nakakita na ang isang party-list group na kayang gumastos ng daan-daang milyon piso tuwing election sa marginalized?

At ang masaklap pa d’yan, maraming party-list ang bumibili ng boto tuwing eleksyon. Walang aamin sa kanila siyempre pero sa ibaba bumabaha ng pera at pataasan ng bilihan.

Pero ang pinakamasaklap na katotohanan, wala namang naitutulong ang party-list congressmen/women sa kanilang sektor, karamihan sa kanila! At kapag kalamidad, hindi sila ramdam ng mga biktima dahil tulad sila ng karamihan sa mga senador na nagpaparamdam lang sa mga tao tuwing election.

180

Related posts

Leave a Comment