PAG-ANUNSYO NG RORE MISSION: PAGSUKO O DIPLOMASYA?

HINIHINTAY ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa rekomendasyon ng National Maritime Council na ianunsyo na ang mga resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ang rekomendasyon ay isinumite ng National Maritime Council sa Office of the President kasunod ng agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard sa humanitarian rotation at resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kamakailan.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, na siya ring chairman ng Maritime Council, kabilang sa rekomendasyon ang patuloy at pagsasapubliko ng schedule of resupply missions.

Ang mapayapa, matatag at maunlad na West Philippine Sea at South China Sea ay malayo pa sa reyalidad kaya humantong ang konseho sa rekomendasyon.

Gayunman, ang insidente sa Rore mission ay hindi itinuturing ng Malacañang na armadong pag-atake at hindi nito gagamitin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos. Ang nangyaring karahasan sa Ayungin Shoal ay maituturing lamang daw na hindi pagkakaunawaan o kaya aksidente.

Bagay na ikinadismaya ng ilan kaya sa social media ay mababasa ang pagkondena sa anila’y tila karuwagan ng Pilipinas na lumaban.

Ang pagsasapubliko anila ng regular na misyon sa Ayungin Shoal ay maituturing na pagyuko sa kapritso ng China. May iba namang nagsasabi na mainam pa ring pairalin ang diplomasya sa gitna ng tensyon para mapanatili ang kapayapaan.

Pero para sa mga opisyal ng pamahalaan, hindi pa raw handa ang Pilipinas na ituring itong armadong pag-atake kung saan maaaring ikasa ng bansa ang MDT.

Ngunit, ayon sa isang maritime expert ay maaari nang igiit ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika. Hindi naman daw awtomatikong mauuwi ito sa giyera.

Gayunman, maingat ang gobyerno kaya tinawag lamang ang gulo na aksidente.

Hindi naman agad na nakikialam ang Estados Unidos sa usaping soberanya ng ibang bansa. Hindi rin tiyak kung papasok sa gulo ang US sa oras na hingin ng Pilipinas ang tulong nito.

May panawagan sa lahat ng mga ahensya na may kaugnayan sa isyu ng WPS na magpulong at gumawa ng mga plano para matugunan ang isyu.

Kaso, hindi lahat sa gobyerno ay naniniwala na China ang problema sa isyu ng WPS. Hindi ginagawang aksyon ang mga sinasabing pagkontra.

Dahil ba iba ang motibo? Para sa sariling interes?

Kaya iaangkla na lang ng Pilipinas ang mga polisiya at estratehiya sa pagsulong ng pambansang interes?

May posibilidad na maulit ang parehong insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard at mga sundalong Pilipino.

Kung hindi dadalhin sa mas mataas na international body ang insidente, gagawa ba ng tamang hakbang ang Pilipinas para maresolba ang nangyayari?

Nais ng Pilipinas na ituloy ang resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. Misyon naman ng China na hadlangan ito.

Ito ang dapat tugunan at bigyan ng tamang solusyon.

133

Related posts

Leave a Comment