IKINAGALAK ng grupong Gabriela ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na idiskwalipika si Pasig City congressional candidate Atty. Christian Sia na maituturing umanong inisyal na tagumpay ng kababaihan.
“This ruling must serve as a wake-up call to the entire political establishment: misogyny is not just unbecoming of public servants—it is despicable and dangerous, and must be treated as such,” ayon sa grupong pinamumunuan ni Representative Arlene Brosas.
Magugunita na kinuyog ng mga netizen si Sia matapos nitong sabihin sa isa sa kanyang sortie na puwedeng sumiping sa kanya ang mga single mother kahit isang beses lang sa isang taon upang mawala ang kanilang pangungulila.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng motu proprio investigation ang Comelec at sinampahan ito ng disqualification case at matapos ang ilang pagpupulong ay inilabas ng Komisyon ang kanilang desisyon na i-disqualify ang abogado sa congressional race sa Pasig City.
“This is the first time in Philippine history that a misogynist candidate will be kicked out from the race if ever,” punto ni Brosas kaya dapat umanong mag-ingat ang mga kandidatong walang paggalang sa kababaihan.
Pinasalamatan din ng Gabriela Women’s party-list group ang pag-iingay ng mga kababaihan na pumalag sa hindi umano paggalang ni Sia sa mga single mother.
“Patunay ito na may bunga ang sama-samang pag-iingay at pagbabantay ng mga kababaihan,” wika ng grupo.
Umaasa ding agad na ilalabas ng Comelec ang desisyon nito laban sa ilang kandidato pa, tulad ni Misamis Oriental governor Peter Unabia na nagsabi umanong magagandang babae ang kailangang maging nurse dahil kung hindi ay baka lumala ang sakit ng pasyenteng kanilang inaalagaan.
Sa ngayon ay nakabinbin ang House Bill (HB) 11493 o Bawal Bastos sa Eleksyon Bill na kapag naging batas ay awtomatikong madidiskwalipika ang mga kandidatong hindi gumagalang sa mga kababaihan at iba pang sektor ng ating lipunan.
(PRIMITIVO MAKILING)
