IMPEACHMENT CASE VS BBM NAISAMPA NA

PORMAL nang naisampa ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Eksaktong alas-singko ng hapon ng Huwebes nang personal na tanggapin ni House Secretary General Reginald Velasco ang verified complaint nina dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema at dating Duterte Youth party-list Rep. Marie Cardema.

Tulad ng inaasahan, inendorso ni Duterte Youth party-list Rep. Drixie Mae Cardema ang impeachment complaint na kauna-unahan mula nang maging Pangulo si Marcos.

May kaugnayan ang kasong betrayal of public trust na nilalaman ng impeachment complaint sa pagpayag umano ni Marcos Jr. na ilipat ang isang Pilipino sa katauhan ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa ibang bansa.

Noong Marso 11, 2025 inaresto ng International Police si Duterte sa tulong ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at agad na dinala sa The Hague, Netherlands kung saan ito nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Samantala, habang nasa Batasan Pambansa ang pamilyang Cardema, pormal namang naghain ang mga estudyante mula University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng disqualification case sa Commission on Elections (Comelec) laban sa Duterte Youth party-list.

Kabilang sa dahilan ng pagpapadiskwalipika sa Duterte Youth ang pangre-red tag umano ng lalaking Cardema sa ibang party-list na nagsasalita laban sa maling polisiya ng gobyerno.

(PRIMITIVO MAKILING)

110

Related posts

Leave a Comment