Target: Zero violence FULL DEPLOYMENT NG PNP ARANGKADA NA

UMARANGKADA na ang full deployment ng mga tauhan ng Philippine National Police sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas, tapat, at mapayapang halalan.

Target ng PNP, base na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang “zero violence”.

Ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco Marbil, aabot sa 163,000 na mga pulis ang ipakakalat upang bantayan ang mga polling precinct, mahalagang pasilidad, at iba pang lugar na may kaugnayan sa eleksyon.

Una rito, inilagay ng PNP sa full alert status ang buong pwersa ng pulisya sa buong bansa, limang araw bago ang May 12 Midterm election.

Layunin nito na makamit ang “zero violence” sa eleksyon, kasabay ng panawagang hayaan ang mamamayan na makaboto nang walang takot at pangamba.

Samantala, simula ngayong araw naman, Mayo 9, ang full implementasyon ng Kontra Bigay campaign upang maiwasan ang maitatalang vote buying habang papalapit ang midterm polls.

Ayon kay Gen. Marbil, nasa kritikal na yugto na ang preparasyon ng PNP. Binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng pulisya sa pagpapanatili ng maayos, mapayapa, at malinis na halalan.

Nabatid na may 35 na lugar ang itinuturing na election hotspots o nasa ilalim ng red category or critical areas, dalawa rito ang nasa ilalim ng Commission on Elections control, ang bayan ng Datu Odin Sinsuat at Buluan, sa lalawigan ng Maguindanao.

Samantala, nasa 136 areas ang nasa orange category, or areas of immediate concern, dahil sa naitalang “presence of serious armed threats” o may history ng political unrest.

May kabuuang 370 lugar naman ang itinuturing na areas of concern at sa nasabing bilang, 197 rito ay nasa yellow category dahil may “presence of suspected election-related incidents, intense political rivalries, potential hiring of private armed groups, or politically motivated election-related incidents, or was declared under Comelec control before.”

Nilinaw rin ni Marbil na wala silang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad ngayong halalan, ngunit 100% silang nakahandang magresponde sa anomang posibleng kaguluhan o krimen na maaaring mangyari sa mismong araw ng botohan sa Lunes, Mayo 12.

Kamakalawa, inaktibo sa PNP General Headquarters sa Camp Crame, ang kanilang National Media Action Centers na layuning matugunan sa mabilis na pamamaraan ang anomang election-related incidents.

Bukod dito, nagtatag din ang PNP ng satellite offices sa police regional headquarters sa buong bansa.

Gamit ang 911 emergency hotline, maaaring magsumbong o ituro ang anomang election-related incidents, kabilang ang vote buying.

“Inatasan natin ang mga PIO sa regional at provincial na magbigay ng pagtugon kaugnay sa ating mga related election incident sa kanilang respective areas of responsibility,” ayon sa pambansang pulisya.

“Ang PNP ina-assure ang mga magrereklamo na makakatiyak sila na mabibigyan sila ng kaukulang proteksyon at hinihikayat namin sila na huwag mag-alinlangan na i-report to kaagad sa PNP,” ayon pa sa opisyal.

(JESSE KABEL RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment