Mas pinadali at lalong mas abot-kaya ang pag-avail ng dagdag na pondo para sa mga miyembro ng Pag-IBIG na may housing loan, sa tulong ng Home Equity Appreciation Loan o Pag-IBIG HEAL. Ito ay isa sa mga loan programs ng Pag-IBIG Fund na nagbibigay sa mga kwalipikadong housing loan borrowers na magamit ang halaga ng kanilang property upang makakuha ng pondo para sa pagpaparenovate ng bahay o pagtugon sa iba pang mahahalagang gastusin.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, ang Pag-IBIG HEAL ay isang praktikal at abot-kayang solusyon para sa mga Pag-IBIG Housing Loan Borrowers. “Habang tumataas ang halaga ng kanilang tahanan, maaari nilang magamit ito at mapagkunan ng pondo para sa mahahalagang pangangailangan,” ani Acosta. Idinagdag pa niya, “Nauunawaan naming hindi natatapos sa unang housing loan ang pangangailangang pinansyal ng aming mga miyembro. Sa pamamagitan ng Pag-IBIG HEAL, mayroon silang madali at abot-kayang paraan upang makakuha ng karagdagang pondo na maaari nilang gamitin sa pagpapaganda ng kanilang tahanan, pagharap sa gastusin ng pamilya, o pagtugon sa iba pang obligasyong pinansyal.”
Bukas ang Pag-IBIG HEAL para sa mga Pag-IBIG Housing Loan borrowers na may accounts na hindi bababa sa limang taon. Sila ay dapat in good standing, at dapat ay updated ang pagbabayad sa loob ng nakaraang labindalawang buwan. Dapat ding aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund, hindi lalampas sa 65 taong gulang, at may kakayahang bayaran ang kanilang karagdagang loan.
Maaaring makahiram ng hanggang anim na milyong piso (Php 6 milyon) ang isang kwalipikadong housing loan borrower, mula sa Pag-IBIG HEAL, na nakabatay naman sa kanyang kakayahang magbayad o sa netong halaga base sa 60% ng latest appraised value ng property ng borrower na nabili sa tulong ng Pag-IBIG Housing Loan at balanse ng nasabing loan.
Para sa karagdagang impormasyon at para makapag-apply sa Pag-IBIG HEAL, maaaring bumisita sa alinmang sangay ng Pag-IBIG Fund o i-click ang link na ito: https://www.pagibigfund.gov.ph/ItsTimetoHEAL/
