PABOR man si Senador Win Gatchalian sa pagpapalawig ng pilot implementation ng limited face-to-face classes, binigyang diin niya na dapat paigtingin at ipagpatuloy ang pag-iingat lalo’t patuloy na tinututukan ang banta ng Omicron variant.
Mahigit isang daan at pitumpung mga paaralan ang lumahok sa pilot run ng limited face-to-face classes. Sa National Capital Region (NCR), dalawampu’t walong (28) paaralan ang pinahintulutang lumahok sa pilot run.
Para kay Gatchalian, dapat kasabay ng unti-unting pagbubukas ng mga paaralan ang mas mabilis na pagbabakuna ng mga guro at mga mag-aaral na nasa tamang edad. Dapat din aniyang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards at simulan ang regular na COVID-19 testing para sa mga guro.
“Magandang balita ang pagpapalawig ng dry run ng limited face-to-face classes ngunit dapat ipagpatuloy natin ang pag-iingat at pagpapabakuna, lalo na’t hinaharap natin ang banta ng Omicron variant. Gamitin natin ang pagkakataong meron tayo upang matuto kung paano natin matitiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga kabataan sa mga paaralan,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture.
Nagpasalamat din si Gatchalian sa mga guro, mga kawani, at school officials na nanguna sa paghahanda para sa limited face-to-face classes.
Bagama’t hindi pa malinaw kung mas nakahahawa nga ang Omicron at nagdudulot ng mas malalang pagkakasakit, nanindigan ang World Health Organization (WHO) na dapat ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng physical distancing, pagsusuot ng masks, paghuhugas ng mga kamay, at pagbabakuna kontra COVID-19.
Ayon sa isang pag-aaral ng mga siyentista mula sa South Africa, may posibilidad na mas mataas ng tatlong beses ang reinfection ng Omicron kung ihahambing sa ibang variants tulad ng Beta at Delta. Ang naturang pag-aaral ay naka-upload sa isang preprint server at hindi pa dumaan sa peer review. (ESTONG REYES)
202 