Pag inalok ng LGU sa area of assignment PULIS MAAARING MAGBAPAKUNA

HINIHIKAYAT ni Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang kanyang mga tauhan na nakatalaga sa iba’t ibang lugar na samantalahin na magpabakuna kung aalukin ng local government unit sa kanilang nasasakupan na sila ay magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Kasunod ito ng pagsisimula ng vaccination rollout sa mga kabilang sa A4 priority category na kabilang ang 87.68% na mga pulis ang nais magpabakuna ng anti-COVID 19 shots.

“Nagbigay na po ng clearance ang ating DILG Secretary Eduardo Año sa ating kapulisan na maaari na silang magpabakuna kung sila ay aalukin ng mga LGU kung saan sila nakadestino at nagpapasalamat po kami sa ganitong arrangement,” ani kay P/Gen Eleazar.

Ipinaliwanag ng PNP chief na sa nakalipas na mga buwan simula nang unang rollout ng pagbabakuna, binalaan niya ang mga pulis na sumisingit sa priority line.

“For the past months kasi, pinagbawal namin sa aming kapulisan na magpaturok kung ikaw ay hindi kasama sa A1, A2 o A3. Tiwala naman tayo na lahat ay makatatanggap ng bakuna kaya walang dapat nag-aapura,” paliwanag pa ng heneral.

Ngunit binigyang-diin ni Eleazar na walang pilitan sa kanyang mga tauhan na ayaw o hindi pa handang sumailalim sa bakunahan kontra COVID 19.

“Tinitiyak ko na walang mangyayaring pilitan pero aasahan po natin sa ating kapulisan na mas magiging matimbang ang pagtulong sa tagumpay ng national vaccination program sa pamamagitan ng pagpapakita sa ating mga kababayan ng kahalagahan ng pagpapabakuna kontra COVID. Maaari silang magsilbing ehemplo na walang dapat pangambahan sa pagpapabakuna,” ani Eleazar.

Sa ngayon, sinabi ni Eleazar na wala pa silang natatanggap na alokasyon ng bakuna mula sa Department of Health (DOH) subalit tiniyak nito na agad nilang ikakasa ang bakunahan sakaling matanggap na nila ito.

Mula sa 220,000 puwersa ng PNP ay aabot sa 15,700 na kabilang sa A1, A2 at A3 priority category ang nabakunahan na kontra COVID 19. (JESSE KABEL)

127

Related posts

Leave a Comment