PAG-PADLOCK SA OPISINA NI REP. NOGRALES PINAIIMBESTIGAHAN

NAALARMA at ikinabahala ni Rizal District IV representative Fidel Nograles ang ginawang pagpapasara sa kanyang tanggapan sa R&R Wet and Dry Market sa Greenview sa Barangay San Isidro, Montalban, Rizal noong nakaraang Marso 11, 2025.

Si Congressman Nograles ay dumating sa kanyang district office upang makipag-ugnayan at alamin ang pangangailangan partikular ng mga senior citizen na nagtungo sa kanyang opisina, subalit nabigla siya nang makitang naka-padlock ang dalawang gate nito.

Sa pagdating ni Nograles sa lugar ay agad niyang tinungo ang mga tao, lalo na ang mga nakatatanda na nakapila sa labas ng gate na nakakandado upang humingi ng paumanhin dahil sa pangyayari.

Ayon kay Nograles, nakakaawang pagmasdan ang mga tao na nagtitiis sa init ng araw upang pumila at humingi ng tulong sa kanyang opisina subalit wala siyang magawa dahil naka-padlock nga ang dalawang gate nito na dahilan upang hindi makapasok sa kanyang tanggapan ang mga humihingi ng tulong.

Kaugnay nito, kinausap ni Nograles si Montalban chief-of-police Lieutenant Colonel Paulito Sabulao na imbestigahan kung sino ang nasa likod ng hindi makatwirang aksyon, bakit at kailan ito ginawa at bigyan din siya ng report sa ginawang pagpapasara sa kanyang district office.

Sa panayam ng media sa hepe ng pulisya, kapansin-pansin na puro tanggi at walang alam ang opisyal sa pag-padlock ng district office ni Nograles, na kung saan ay nagpadala ito ng mga tauhan na kasama ng mga kinatawan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Montalban na nagpasara umano sa opisina ng mambabatas.

Matatandaan noong nakaraang Pebrero 28, 2025 unang sumugod ang 20 katao kasama na ang ilang pulis Montalban na pinangunahan ni Montalban BPLO head Jose Amo Mallari sa R&R Wet and Dry Market upang ipasara ito.

Unang ipinadlock ng mga ito ang isang gate ng gusali na labis na nakaapekto sa mga nangungupahan, kasama na ang transport group na may biyaheng Cubao, Quezon City-Montalban at vice versa.

Makalipas ang ilang araw, bumalik ang mga tauhan ng Montalban-BPLO at tuluyan nang isinara ang dalawang gate ng R&R Wet and Dry Market kaya tuluyan nang nagsara ang ilang nangungupahan sa palengke.

“Sa pagkakaalam ko po bilang mambabatas, abogado at guro ng batas, tayo po ay nasa isang demokratiko’t malayang lipunan, nangangahulugan po nito na protektado tayo laban sa mga pagmamalabis, pagsasamantala, karahasan, pang-aabuso at pagyurak sa ating karapatang pantao,” idiniin ni Nograles sa harapan ng media.

“Ibig sabihin din nito hindi ho pwedeng basta-bastang panghimasukan, pakialaman o embarguhin ng ating pamahalaan ang mga pribadong pag-aari na hindi ho dumadaan sa proseso, basic po ito sa karapatang pantao, No. 1 po iyan sa bill of rights, na ‘no person to deprive of life, liberty of property without due process of law, no shall any person be denied equal protection’. Ang ibig sabihin po nito ay kailangan ho sa isang malayang bansa at demokratikong lipunan nirerespeto ho natin ang karapatang pantao,” paliwanag ni Nograles.

Kasabay nito, nanawagan si Nograles sa Office of the Ombudsman, Commission on Human Rights (CHR), Philippine National Police (PNP) na alamin at imbestigahan kung sino ang gumawa ng pagpapasara, sapagkat walang abiso, walang anunsyo, walang timbre at walang tamang proseso ang ginawang pagpapasara ng kanyang district office.

“Nagulat ho ako sapagkat nakatakda po ako ngayon makipag-ugnayan sa mga senior citizen upang alamin ang kanilang mga kahilingan hindi ho ako makapasok ngunit ako ay nagtataka, humihanahon ho tayo upang alamin kung sino ang talaga ang gumawa nito kung authorized siya,” banggit pa ni Nograles.

“Eh alinsunod ho sa mga karapatang pantao, ang pagkakaalam ko sa ngayon ay may karapatan pa naman tayo, may batas pa naman tayong sinusunod, kinikilala naman natin ang tamang batas, tamang karapatan, so nandito ho tayo ngayon upang imbestigahan, alamin ko kung ano ho ba talaga ang tunay na nangyari, bakit ho nauudlot ang ating programa, ang ating serbisyo para ho sa mga kapus-palad,” pahayag pa ng batang mambabatas.

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga kapitbahay na nagpahiram sa kanilang pribadong pag-aari pansamantala upang may tuluyan ang kanyang constituents para hindi sila nahihirapan sa ilalim ng init ng araw habang nagsusumite ng kanilang mga dokumento para sa kanilang hinihiling tulong sa kanyang district office.

Sinabi pa ni Nograles na sasamahan niya ang mga tao hanggat hindi niya nalalaman ang tunay na dahilan at sino ang may kagagawan ng pagpapasara sa kanyang opisina.

“Ngunit tulad nga ng nasabi ko sasamahan ko ho sila hanggat malaman ko ang tunay na dahilan at sino ho ang may kagagawan nito. Sa pagkakaalam ko po pagdating po sa mga legal may umiiral na po na business permit yung ating gusali at wala pong proseso na dumaan para i-cancel ito, bigla na lang nakapadlock, hindi ho natin alam kung sino ang gumawa walang timbre, walang abiso, kaya nga po, ako po ay nananawagan alamin ho natin, kung sino, anong dahilan at paano ho ito at ano ang nangyari,” dagdag pa ng mambabatas.

“Bilang kinatawan, bilang boses ng mahihirap kailangan ho natin ipaglaban ang mga karapatang pantao, sapagkat ako po ay naniniwala na may demokrasya pa na naman tayo dito, malaya pa namang yung ating lipunan kahit papaano at kinikilala natin ang batas at respeto sa karapatang pantao, kaya tayo po una sa lahat aalamin natin kung sino ho ba ang may kagagawan nito, kasi wala ho kaming alam, wala hong timbre, walang anunsyo, walang notice, pagkatapos tayo po ay hihingi ng tulong at dudulog sa kinauukulan upang alamin kung mayroon pa ba tayong batas dito, mayroon pa ba tayong mga karapatang pantao na kinikilala o basta lang kukunin ng pamahalaan ang mga pribadong pag-aari,” paliwanag pa ni Nograles.

Binanggit pa niya na ang ginawang pagpapasara sa kanyang District Office ay pagkumpiska, inembargo na lang wala man notice, isang pagmamalabis, pagyurak sa karapatang pantao, pagsasamantala, isang uri ng karahasan, pang-aabuso at kailangan niya alamin ang puno’t dulot nang pangyayari.

Sa panayam ng media kay Joseph Samodio, desk officer and peace and order member ng Brgy. San Isidro at tao ni chairman Tom Hernandez na ang pagkakaalam niya ay walang business permit ang R&R Wet and Dry Market kaya ipinasara ito ng Montalban-BPLO.

Si Hernandez ay tumatakbong kongresista laban kay Nograles na kaalyado naman ni Mayor Evangelista ng Montalban, dahil dito pinaniniwalaan ng mga residente ang ginawang pagpapadlock sa District Office ng mambabatas ay isang uri ng political harassment.

Ayon naman kay Nograles ang pagpapasara ng kanyang District Office ay pangatlong beses na matapos na silipan ng kung ano-anong butas ang gusali kung siya nagrerenta.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Maria Joan Cesar, residente ng Sitio Kasiglahan, Brgy. San Jose. Montalban, nabigla sa kanyang pagdating sa opisina ni Cong. Nograles na kung saan ay naka-padlock ang dalawang nito.

Ayon pa sa kanya, kaya siya nagtungo sa opisina ni Nograles upang magsumite ng mga dokumento para sa tulong medikal ng kanyang kaanak.

Sinabi pa niya na matagal na tinutulungan ni Cong. Nograles ang biyenan para sa dialysis, anya sa kabila nang nakasara na ang mga gate ng District Office ng kongresista ay ina-assist pa rin sila ng mga staff nito.

“Masasabi ko lang po, sana patuloy po natin na suportahan si Cong. Nograles kasi nasa puso po niya ang malasakit sa kapwa, hindi po niya pinababayaan ang Montalbeno mula noon hanggang ngayon,” mensahe pa niya sa kanyang mga kababayan.

Sabay-sabay naman nagsigawan ang mga tao na nakapila sa labas ng gate ng District Office ni Nograles nang dumating sa lugar ang mambabatas.

Anila, hindi matitinag ang kanilang pagsuporta kay Nograles kahit pa anong gawin ng mga katunggali nitong mga politiko ng Montalban. (JOEL O. AMONGO)

10

Related posts

Leave a Comment