Pag-uwi ng LSIs pinatututukan ni Eleazar UNAUTHORIZED TRAVEL HIHIGPITAN

IPINAG-UTOS kahapon ni Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield na paigtingin ang pinaiiral na protocol laban sa unauthorized travel at higpitan ang pagpapauwi sa mga Local Stranded Individual (LSI).

Sa pakikipag-ugnayan kay PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan, ay paiigtingin ang screening sa Travel Authority para sa mga LSI na babalik sa kanilang mga lalawigan.

Ang nasabing hakbang ay bunsod ng reklamong ipinarating sa JTF COVID Shield, ng mga Local Government Unit (LGU) hinggil sa uncoordinated na pagpapabalik sa mga LSI.

Sumbong ng mga LGU, nabubulaga sila sa pagdating ng mga LSI na nagreresulta sa kakulangan ng sapat na personnel para tutukan ang protocols ng mga siyudad at bayan laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“The lack of prior coordination with the receiving LGUs also results in the unavailability of the quarantine facilities to accommodate them, or lack of health facilities to those who would test positive for coronavirus,” pahayag ni PLt. Gen. Eleazar.

“Travel Authority through prior coordination gives opportunity for the receiving LGUs to plan and control entry of people particularly those coming from the National Capital Region which is the epicenter of the virus,” dagdag pa ng heneral.

Magugunitang inihayag ni Secretary of National Defense Delfin Lorenzana na siya ring National Task Force on COVID chair na pinagkalooban nila ng awtoridad ang mga LGU na pangunahan ang kani-kanilang ipinatutupad na protocols sa pagtugon laban sa COVID-19.

Habang ang mga Highly-Urbanized City, ng isang lalawigan o rehiyon ay maaring humiling sa NTF on COVID-19 na suspendihin ang ang pagpapapasok ng mga LSI subalit kahit wala nito ang mga receiving LGU ay maaring makontrol ang  individual entry ng LSI sa pamamagitan ng koordinasyon gamit ang Travel Authority.

Inihayag din ni Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Eduardo Año na siyang vice chairman ng NTF on COVID-19 na ang pag-iisyu ng Travel Authority ay bahagi ng preventive measures ng national government para makontrol ang movement ng mga tao mula sa mga lugar na may minimal or no COVID-19 cases. (JESSE KABEL)

92

Related posts

Leave a Comment