SINUPALPAL sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hirit ng Philippine Association of Feed Millers Inc. (PAFMI) sa gobyerno na ikonsidera ang pagbaba ng taripa ng mga inaangkat nilang yellow corns na ginagamit nila sa kanilang produkto.
Ayon kay Minority Congressman Argel Cabatbat, isinisi ng PAFMI sa mataas na taripa ng imported yellow corn ang pagtaas ng gastos sa meat at poultry product sa bansa.
Base sa report ng National Economic and Development Authority (NEDA), tumaas umano sa P112.14 ang production cost ng baboy habang P92.40 naman sa manok at ginamit umano ito ng PAFMI para humirit na ibaba ang taripa ng inaangkat nilang yellow corn.
“Huwag nila isisi sa tariff ang pagtaas ng poultry and pork prices. In fact, the increase in importation was proven to be ineffective in decreasing the prices of agricultural products,” ani Cabatbat.
Nakita na aniya ito sa kaso ng palay dahil sa Rice Tariffication Law at Executive Order (EO) 134 na nagpababa naman sa taripa ng mga imported na karne ng baboy, na nagpahirap sa mga magsasaka.
“There’s no indication that corn will be any different. Profiteers ang dapat sinisisi,” ani Cabatbat.
Bukod dito, tiyak na babagsak umano ang presyo ng mais sa bansa at magagaya ang mga ito sa mga magsasaka ng palay na hindi nakabangon dahil bukod sa pinababa ang taripa ng palay at bumaha ng imported rice sa bansa kaya binabarat ang kanilang mga ani.
“Gayahin nila ang National Federation of Hog Farmers who refused to call on more corn import even if it will allegedly benefit them. It’s the patriotic thing to do,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
208 