LUBHANG ikinatuwa ng isang senador na palaging nagsusulong ng patakaran at polisiya, ang pagpapabakuna ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Saudi Arabia at Bahrain.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Cynthia Villar na dumadami ang mga bansa na nagbibigay ng libreng bakuna sa mga OFW dahil inaalala nila ang kalusugan at kaligtasan ng milyong manggagawa nito laban sa corona virus 2019 (COVID-19).
“We welcome the New Year with hope as more countries including our own prepare their respective COVID-19 inoculation campaigns,” ayon kay Villar. Pinapurihan ni Villar ang Kingdom of Saudi Arabia sa pagpapatayo ng 550 vaccination stations sa Riyadh at marami pang istasyon ang nakatakdang itayo sa ibang lugar.
“According to Philippine Ambassador Adnan Alonto, the vaccination program against COVID-19 in Saudi Arabia will also cover all our OFWs at the expense of the Saudi government,” ayon sa senador saka niyaya ang mga OFW na magparehistro upang makakuha ng libreng bakuna.
Unang nakatanggap ng kanyang bakuna ang embahador na ginawa ng Pfizer nitong Disyembre 30, habang hinihikayat niya ang OFWs sa Saudi Arabia na magparehistro sa government app (Sehhaty) upang magpa-schedule ng pagbabakuna.
Samantala, nagsimula rin mamahagi ng libreng bakuna ang health center ng Bahrain araw-araw mula 8 ng umaga hanggang 6 ng hapon sa lahat ng nationals at residente, 18 taong gulang pataas.
Unang napabakunahan laban sa COVID-19 si Baharaini King Hamad habang inilunsad ng kanyang gobyerno ang nationwide inoculation campaign.
Pangalawa ang Bahrain sa mga bansa kasunod ng Britain na nagbigay ng emergency use authorization sa Pfizer/BioNTech COVID-19 vaccine. Inaprubahan din nito ang Sinopharm’s vaccine noong Nobyembre.
Umorder ang United Kingdom ng mahigit 100 milyong jabs na ipamimigay ang 40 milyon sa Marso. Unang inihatid ang Pfizer vaccine doses sa care home na isinagawa ng roving health teams na may tungkulin na bisitahin ang daang-daang care homes. Maaari nang makabili ng Oxford vaccine sa buong UK simula Enero 4 matapos aprubahan ng British government ang bakuna noong Disyembre 30.
Sinabi ni Villar na kanyang hihilingin sa Department of Foreign Affairs na magbigay ng progress report ng COVID19 vaccination programs sa bansa na may maraming OFWs sa gaganaping imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole sa vaccination plans ng gobyerno.
“As more countries roll out their respective anti-COVID-19 inoculation campaigns, we will see the anxieties of our OFWs and their families ease because the health and safety of our workers will more or less be assured in the coming year,” ayon kay Villar.
Aniya, dapat suriin at tignan ng Pilipinas kung paano naglunsad ang ibang bansa ng vaccination drive.
“Let us gather reports from our embassies and start looking at best practices being done by other countries who are now actively setting up inoculation stations for their residents and foreign workers,”giit niya. (ESTONG REYES)
