RIZAL– SUMIRIT pataas ang antas ng kumpiyansa ng mga residente ng bayan ng Taytay makaraang simulan ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga medical frontliner laban sa COVID-19, sa unang araw ng pagdating ng vaccine supply mula sa Department of Health.
Ayon kay Taytay Mayor Joric Gacula, sinimulan ng dalawang local health facilities — ang Manila East Medical Center at Taytay Emergency Hospital ang pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19 sa mga healthcare worker bilang pagsunod sa alituntuning inilatag ng National Task Force Against COVID-19 na nagbigay ng talaan ng priority sectors.
Sa isang pahayag, ikinatuwa ni Gacula ang pagtaas ng bilang ng mga residenteng nagpahiwatig ng pagnanais na mabakunahan na rin, base sa datos mula sa kanilang vaccine registration online portal.
Aniya, bagamat naging matumal sa mga unang araw mula nang kanilang ilunsad ang online registration system para sa mga gustong mabakunahan, pumalo na sa humigit kumulang 2,000 ang nakapagpatala nito lamang nakaraang dalawang araw.
Bukod sa online registration, bukas din ang 46 na vaccine registration centers sa limang barangay sa nasabing lokalidad.
Malaking bentahe rin aniya sa pagtaas ng antas ng tiwala ng kanilang mga residente ang matiyagang pag-ikot ng kanilang mga kawani mula sa municipal health office para ipaliwanag ang buting dulot ng mga bakuna.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na patuloy nilang ipatutupad ang minimum public health safety guidelines tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields, kontroladong pagtitipon, curfew hours, social distancing at iba pang nakasaad sa diretiba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Target ng Taytay LGU na mabakunahan ang 90% ng kanilang 375,000 residente, gamit ang P320 milyong pondo ng kanilang bayan.
Mayroon na rin nakahandang 46 na vaccination centers na pangangasiwaan ng mga medical professional mula sa pamahalaan at maging mga volunteer mula sa private sectors.
Inilagak naman ng LGU sa isang world-class cold storage facility ang unang batch ng mga bakunang dumating sa Taytay ganap na alas dose ng tanghali nito lamang Marso 18.
Agad naman anilang isusunod ang iba pang priority sectors sa sandaling dumating ang bakunang inorder ng lokal na pamahalaan sa isang biopharmaceutical firm sa United Kingdom. (FERNAN ANGELES)
