HINILING ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa kinauukulang government agency na pag-aralang mabuti ang panukalang bawasan na ang sukat ng physical distancing sa mga public transport.
Sa pahayag, sinabi ni Go kanyang sinususugan ang salita ni Pangulong Duterte na dapat mapag-aralan munang mabuti ang panukala bago ito tuluyang ipatupad sa mga pampublikong transportasyon.
Kasabay nito, nananawagan din ang senador na dapat balansehin ang mga efforts sa pagbubukas ng ekonomiya at ang patuloy na pagpapatupad ng kinakailangang health protocols upang mapigilan ang pagkalat lalo ng COVID-19.
Ayon kay Go, dapat mayroong scientific studies ang bawat desisyon na gagawin base sa mga rekomendasyon ng mga subject matter experts para sa kapakanan ng nakararami.
Binigyang diin ni Go na bilang Chairman ng Senate Committee on Health, palagi niyang paalala sa Executive department na unahin palagi ang interes, kapakanan at buhay ng bawat Pilipino sa kanilang gagawing desisyon.
Giit ni Go, hindi dapat madaliin ang lahat dahil bawat kilos ng mga ahensiya, buhay ng mga mamamayan ang nakataya kung saan hindi na maibabalik ang mga buhay na mawawala.
Dagdag pa ni Go, hindi dapat masayang ang mga sakripisyong nagawa na sa mga nakalipas na buwan habang hindi din dapat hayaan na masayang ang pondo ng bayan lalo na sa contact tracing.
Inihayag pa ni Go kawawa ang mga maliliit na Pilipino at mahihirap kung mas kakalat ang virus sa public transport.
Matatandaang una nang inihayag ng Department of Transportation na mula sa 1-meter na distansya ay papayagan na ang 0.75 meter na distansya.
Samantala, umapela si Go sa publiko na manatiling vigilant at habaan ang pasensiya at kooperasyon sa mga otoridad sa pagpapatupad ng mga safety at health protocols. (ESTONG REYES)
