PAGBASURA SA REKLAMO LABAN KAY LAGUNA GOV. SOL ARAGONES, PAGKAKATAONG MAGPATULOY SA SERBISYO

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG mahalagang pag-usad ang ginawang pagbasura ng Office of the Ombudsman sa reklamong inihain laban kay Laguna Governor Sol Aragones kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo para sa disaster response ng lalawigan.

Hindi maliit na bagay ang ganitong desisyon, lalo na’t ang isang reklamo ay maaaring makaapekto hindi lamang sa pangalan ng isang opisyal kundi maging sa tiwala ng publiko sa kanyang pamumuno.

Sa kasong ito, malinaw na ibinasura ng Ombudsman ang reklamo matapos suriin ang mga isyung iniharap dito. Para kay Aragones, isa itong mahalagang pagkakataon upang maipagpatuloy ang kanyang tungkulin nang hindi nakasabit sa isang reklamong hindi naman nakalusot sa pagsusuri ng tanggapan ng Ombudsman.

Hindi rin dapat agad husgahan ang isang halal na opisyal dahil lamang may naghain ng reklamo laban sa kanya. May proseso ang batas at kailangang igalang ang resulta nito. Mahalaga ring tandaan na ang paghahain ng reklamo ay hindi awtomatikong nangangahulugan na may nagawang pagkakasala ang isang tao.

May karapatan ang sinomang magreklamo, ngunit may karapatan din ang inirereklamo na mapakinggan at maprotektahan laban sa mga paratang na hindi sapat ang batayan.

Sa kabilang banda, naghain ng motion for reconsideration ang complainant noong Nobyembre 11 upang hilingin na baligtarin ang naunang desisyon. Karapatan din niya ang gawin ito. Bahagi ng proseso ang paghahain ng mosyon at dapat itong dinggin alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Ngunit habang wala pang bagong desisyon, hindi rin makatarungang balewalain ang naunang hakbang ng Ombudsman na nagbasura sa reklamo.

Hindi dapat gawing hatol sa publiko ang bawat alegasyong lumalabas laban sa isang lingkod-bayan. Mas makabubuting hintayin ang kabuuan ng proseso kaysa padalos-dalos na magbigay ng konklusyon na maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao.

Para kay Gov. Aragones, panahon ito upang ipagpatuloy ang pagtutok sa mga pangangailangan ng mga taga-Laguna. Lalong mahalaga ang maayos na pamamahala sa disaster funds dahil buhay, kaligtasan at kabuhayan ng mga residente ang nakataya tuwing may kalamidad.

Anoman ang maging susunod na hakbang sa kasong ito, nararapat lamang na manatiling bukas sa pagsusuri ang paggamit ng pondo ng bayan. Ang transparency at pananagutan ay hindi dapat ikatakot ng sinomang opisyal na tapat sa kanyang tungkulin.

Hindi rin dapat maging hadlang ang mga reklamong dumaraan sa tamang proseso upang mapahinto ang mga serbisyong kailangan ng mamamayan. Aba’y hindi ingay ng pulitika ang dapat maging sukatan ng isang gobernador kundi ang kanyang kakayahang maglingkod, gumawa ng tama at tumugon sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan.

Sa ngayon, mahalagang igalang ang desisyon ng Ombudsman habang hinihintay ang magiging aksiyon nito sa motion for reconsideration. Ang patas na proseso ang nararapat manaig, hindi ang panghuhusga.

29

Related posts

Leave a Comment