PAGBAWI NG TESTIMONYA NI GUTEZA, NAGPABAGSAK SA KREDIBILIDAD NG ‘MALETA BOYS’ – LAWYER

NAWALAN umano ng bigat at kredibilidad ang mga akusasyon ng natitirang “Maleta Boys” matapos bawiin ng pangunahing testigo na si Orly Guteza ang kanyang naunang pahayag hinggil sa umano’y kickback sa kontrobersyal na flood control scam.

Ayon kay human rights lawyer Antonio Bucoy, hindi nasusukat sa dami ng mga testigo ang bigat ng isang kaso, lalo na kung unti-unting nababawasan ang mga testigong nagbibigay ng salaysay laban sa isang akusado.

Matatandaang sa 18 indibidwal na tinaguriang “Maleta Boys,” apat na ang bumawi sa kanilang mga testimonya.

Sinabi ni Bucoy na ang pagbawi ng mga nasabing indibidwal ay umaayon sa naunang posisyon at salaysay ng 25 iba pa nilang kasamahan, na pawang dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co.

Nauna nang tumanggi at nagpabulaan sa mga paratang ng orihinal na 18 “Maleta Boys” ang 25 dating tauhan ni Co.

Gayunman, binigyang-diin ni Bucoy na pinakamahalaga sa takbo ng usapin ang pag-urong ni dating Marine Master Sergeant Orly Guteza sa kanyang naunang salaysay.

Si Guteza ang unang nagbunyag at nagpasimula ng mga paratang laban kay dating House Speaker Martin Romualdez sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Bucoy, magkakaugnay ang mga paratang ni Guteza at ng iba pang miyembro ng “Maleta Boys.” Dahil dito, nang bawiin ni Guteza ang kanyang unang pahayag at sabihing pinilit lamang ito sa kanya at may kaakibat umanong panunuhol, sinabi ng abogado na humina rin ang batayan ng iba pang akusasyon laban kay Romualdez.

“Kung pinabulaanan na ni Orly Guteza yung kanyang unang salaysay at sinabing ito ay pinilit lamang sa kanya at merong panunuhol na kaakibat ito, ano pang kalalabasan nito? Wala hong ebidensiya. Hindi kapani-paniwala yung natitira,” giit ni Bucoy.

Bukod sa usapin ng mga testigo, tahasan ding pinuna ni Bucoy ang Office of the Ombudsman dahil umano sa “selective prosecution” o pamimili kung sino ang dapat papanagutin kaugnay ng kontrobersya sa flood control scam.

Ipinunto niya na nang unang sumiklab ang iskandalo, hindi lamang kay Romualdez nakatuon ang mga paratang ng orihinal na 18 “Maleta Boys,” kundi nagbanggit din umano ng iba pang mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan.

Para kay Bucoy, nakapagtataka kung bakit tila pinipili lamang ng Ombudsman kung aling mga ebidensiya ang bibigyan ng bigat at alin ang babalewalain, lalo na kung ang idinadawit ay ang dating Speaker habang tila hindi na pinagtutuunan ng pansin ang iba pang mga pangalang nabanggit.

(TINA MENDOZA)

59

Related posts

Leave a Comment