HINILING ng ilang mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang imbestigasyon sa umano’y pagbili ng bigas na nagkakahalaga ng P680 milyon ng Ministry of the Interior and Local Government noong 2024.
Ang kahilingan ay nakasaad sa ipinadalang sinumpaang salaysay ng mga nagrereklamo sa Office of the Ombudsman-Mindanao, Office of the President, Senado, Office of the Speaker-BARMM at Commission on Audit.
Nabatid pa sa mga complainant, na itinago ang pangalan upang maprotektahan ang kanilang sarili, ang mga transaksyon ay labag umano sa procurement laws, transparency standards, at fiscal responsibility.
Kinuwestyon ng mga ito kung bakit ang lahat ng kontrata para sa biniling bigas ay palagi na lang napupunta sa iisang supplier lamang – ang JB Pharma & Trade Center – na isang pharmaceutical distributor at wala naman umanong kakayahang mag-supply ng agricultural products.
Sinabi pa ng mga nagrereklamo na sa isang transaksyon pa lang, nalugi na ang gobyerno ng P15 milyon dahil sa pag-award ng kontrata sa JB Pharma samantalang meron naman umanong lowest bidder na lehitimong supplier ng agricultural products.
Ayon pa sa mga complainan, ang nabiling bigas ay napakamahal sa halagang P60 per kilo samantalang meron P45 na halaga nito sa merkado.
Kaugnay nito, pinayagan din umano ng Ministry of the Interior and Local Government ang pagbili ng naturang bigas noong July 24, 2024 gamit ang 2023 MILG-READI Fund na nagkakahalaga ng P100.325 miyon kahit wala namang deklarasyon ng kalamidad.
Ayon pa sa mga nagreklamo, walang dumating na bigas na gamit ang naturang budget kaya wala rin anilang nangyaring distribusyon.
Kinuwestyon din nila ang ministry sa paghahati-hati umano ng kontrata o contract splitting upang maiwasan ang bidding na labag sa batas.
(PAOLO SANTOS)
