HINDI dapat pilitin ang pagbubukas ng klase sa mga estudyante kung hindi pa handa ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng gagamiting materyales at modules.
Ayon kay Senator Christopher Lawrence “Bong ” Go, nasa gitna ng krisis ang bansa at marami ang naghihirap dulot ng kawalan ng trabaho.
Dahil dito aniya, marami ang walang pambayad ng matrikula at pambili ng mga gamit lalo na ngayon kasama ang mga gadget sa blended learning.
Binigyang diin ni Go na magandang maipagpaliban ang pagsisimula ng klase sa pampublikong eskuwelan upang hindi na makadagdag sa pressure na dala ng krisis ng COVID-19.
Giit pa ni Go na kahit online blended learning, tiyak na mapipilitang lumabas ang mga estudyante upang bumili ng kanilang mga kakailanganing gamit.
Dagdag pa ni Go na magandang pagkakataon na rin ang postponement ng pagbabalik-klase upang plantsahin ang mga kulang pa sa paghahanda at maging maayos ang pag-aaral ng mga mag-aaral.
Samantala, pabor si Go na wala munang babagsak na mga estudyante ngayong taon dahil maraming problema ang iniisip ng mga magulang at maging ng mga estudyante dahil sa COVID-19.
(ESTONG REYES)
185
