PAGBUBUKAS NG SIMBAHAN PARA SA LAHAT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

BILANG isang bansa na napakaraming Katoliko, hindi na nakagugulat na marami ang naapektuhan sa pagpanaw ni Pope Francis kamakailan. Kaya nga noong bumisita siya sa bansa noong 2015, talaga namang napakaraming Pilipino — hindi lamang mga Katoliko — ang tumutok, nagbantay, nag-abang, at umasang makasisilay sa kanya.

Itinalaga bilang Santo Papa noong 2013, namuno sa loob ng 12 taon si Pope Francis at nagbigay ng panibagong mukha sa Simbahang Katoliko dahil sa kanyang kababaang loob at pagiging bukas sa kahit na sinong tao. Para sa marami, naging simbolo siya ng pag-asa — lalo na sa panahon ng mga unos, o pagsubok.

Naging matunog na usapan lalo nitong nakaraang mga araw kung gaano siyang kaiba sa mga dating naging Santo Papa. Ipinakita niya kasi ang kagustuhang baguhin at mas mapaganda pa ang imahe ng Simbahang Katoliko — sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng tunay na turo nito, at pagpapamalas ng damang-damang pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.

Ayon sa mga report, napakasimple ng naging pamumuhay ni Pope Francis — na mas piniling gumamit ng mga ordinaryong sasakyan noong nabubuhay pa siya. Hindi siya nanirahan sa marangyang Apostolic Palace, kundi sa isang simpleng guesthouse. Maging sa kanyang huling mga habilin — ipinamalas niya ang kasimplehan.

Kilala bilang “the People’s Pope”, pinili niya ang kabaong na gawa sa kahoy. Pinili niya ring malibing sa labas ng Vatican — sa Papal Basilica of St. Mary Major sa Roma na dinarayo niya para magdasal tuwing mayroon siyang mga biyahe. Ayaw niya ng mga dekorasyon ang kanyang libingan.

Nakabibilib at talagang nakaaantig ng damdamin na pinili ng isang kagaya niya ang hindi marangyang pagdiriwang ng kanyang buhay. Kaya maraming Pilipino ang talagang napabalik-tanaw sa kani-kanilang encounter sa Santo Papa. Napakahalaga nga para sa marami sa atin ang taong 2015, kaya naging isa sa pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan ng Simbahan ang pagdalaw niya sa bansa. Para sa ating mga Pilipino, hindi lamang siya isang bisita, nagpamalas din siya ng pagmamalasakit, pagmamahal at nagbigay ng pag-asa. In other words, blessed — ito rin ang naramdaman ko nung personal ko siyang nakita noong nakaraang taon nang makadalo ako sa misa para sa Linggo ng Pagkabuhay sa Roma.

Marami akong nakausap doon, at maging ang mga hindi Katoliko, nandoon din para maging bahagi ng kasaysayan. Kakaiba talaga ang pakiramdam, para bang nawawala ang lahat ng pag-aalala at problema, at nagkakaroon talaga ng kakaibang pag-asa dahil sa pakiramdam na nabasbasan mismo ng Santo Papa.

Hindi lamang sa mata ng mga Pilipino naging makabuluhan ang pamumuno ni Pope Francis. Isa sa pinakaimportanteng nagawa niya ay ang encyclical na Laudato Si’ na nagbigay-diin sa krisis sa kalikasan at ang obligasyon ng bawat tao na alagaan ang mundo, lalo na ang mga pinaka apektado, ang mga mahihirap. Itinulak din niya ang pagkakaroon ng isang Simbahang nakikinig at bukas sa opinyon ng mga ordinaryong Katoliko, kababaihan, at kabataan. Gumawa siya ng mga reporma para panagutin ang mga lider ng Simbahan na nagkasala o nagkubli ng mga kasalanan. At isa talaga sa pinakakakaibang nagawa niya ang makikipag-usap sa mga lider ng ibang relihiyon. Naging makabuluhan din ang pagsuporta niya sa pagtanggal ng mga pader na naghihiwalay ng mga bansa, at pagpapahalaga sa pagkalinga sa refugees at mga migrante.

Sa kanyang pamumuno, pinatunayan niyang hindi kailangang maging malakas ang boses upang maging makapangyarihan. Nagsisilbing pinaka-epektibong sermon ng ating panahon ang kanyang mga kilos, ang kanyang simpleng pagyuko, at ang kanyang bukas-palad na pakikinig.

Maraming pagsubok ang Simbahang Katoliko at maraming kontrobersiya. Pero isa sa talagang mahalagang nagawa niya ang pagpapatunay na bukas ang Simbahan para sa lahat — ano mang estado sa buhay, hindi man tanggap ng ilang konserbatibong paniniwala. Dahil sa kanya, maraming tao ang bumalik ang pananampalataya dahil nadama nila ang pagkalinga at pagmamahal ng Simbahan.

8

Related posts

Leave a Comment