CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG nakuha nina senatorial candidate Imee Marcos at Camille Villar ang matamis na ‘Oo’ ni Vice President Sara Duterte, dedma naman sa kanila si dating pangulong Digong.
Ang inaasahan kasi matapos itaas ni VP Inday ang mga kamay ng dalawa ay mapapasama na sila sa senatorial candidates ng dating pangulo. Nauna na kasing binuo ang tinaguriang DuterTen.
Kaso nga lang, sa DuterTen o Duter10 plus 2 ng matandang Duterte ay hindi pala kabilang ang dalawang galing sa ‘Alyansa’ ng administrasyon.
Ang gulo naman kasi ng magtatay at sino ba talaga kina Digong at Sara ang susundin ng mga tao nila? Ang ama na nakakulong sa The Hague o si Sara na nahaharap sa sangkaterbang isyu kabilang na ang impeachment?
Hindi tuloy maiwasang isipin ng kanilang mga kritiko na wala talagang nagmamando sa grupo. Kanya-kanyang galawan o diskarte.
Maging si Senator Robin Padilla, na siyang presidente ng PDP Laban ay may personal na inendorso sa katauhan nina ex-senator Gringo Honasan, Senate Majority Leader Francis Tolentino, at si Manang Imee. Pagkatapos nga nito ay kinantyawan ng mga netizen si Robin na nag-leave group chat daw muna dahil kinuyog siya ng mga kapartido niya dahil sa kanyang pag-endorso sa labas sa PDP Laban.
Ayon sa parehong abogado at PDP Laban senatorial candidates na sina Raul Lambino at Jimmy Bondoc, ang nominasyon at pag-endorso ng partido ay dumaan sa proseso kung kaya’t hindi katanggap-tanggap ang pagpasok na lang basta ng iba.
Indikasyon ba ito na walang gumigiya sa oposisyon? Kinukwestyon tuloy pati ang pamumuno ni Robin sa PDP. Hanggang ngayon ay marami ang hindi kumbinsido na dapat ay naging presidente ito ng partido.
Teka, kung mga netizen ang tatanungin, may nakikita silang dahilan ng pag-eendorso ni VP Sara ng senatoriables. Nauna na kasi itong nagsabi na wala siyang ieendorso pero ngayon ay nagtaas siya ng kamay ng kanyang mga ‘tunay’ raw na kaibigan. Kaya naman duda ng iba, may kinalaman ito sa impeachment.
Kung papasok nga naman kasi ang mga ‘kakampi’ niya ay maituturing nang ‘patay’ ang impeachment sa muling pagbubukas ng Kongreso.
Isa pang pinagdududahan ang magiging epekto ng endorsement ni VP kina Imee at Camille. Posible naman daw kasing wala na itong epekto sa dalawa dahil marami na ang dismayado sa kanila. Saan na ngayon pupulutin sina Imee at Camille?
