PAGBUO NG DEPT. OF OVERSEAS FILIPINO AARANGKADA NA SA SENADO

MULING tatalakayin ng Senate labor committee ngayong Lunes ng umaga ang pagbuo ng bagong departamento ng pamahalaan na naglalayong tugunan ang lahat ng mga suliranin ng mga overseas Filipinos.

Ngunit maliban sa pag-plantsa ng samu’t-saring policy issues at pangangailangan ng OFWs, inaasahan ni Senator Joel Villanueva na tutumbukin ng pagdinig ang pangunahing dahilan kung bakit libu-libong manggagawang Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang kumita para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.

“Kaya po libu-libo sa ating mga manggagawa ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa ay dahil sa kakulangan ng trabaho at oportunidad dito sa ating bansa. Wala pong ama o ina na mas nanaisin na mawalay sa kanilang mga anak at pamilya para lang sa hanapbuhay,” ani Villanueva, chair of the Senate labor committee.

“Napakalalim ng social cost ng ating mga OFWs, at hindi po ito matatawaran ng kahit anong halaga ng salapi. Marami na pong pagkakataon na buhay mismo ng ating manggagawa ang ibinubuwis nila para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya,” dagdag pa ng mambabatas sa isang pahayag, na may pagtukoy sa pagmamalupit na dinaranas ng ibang mga OFWs sa kanilang mga employer.

“Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi kailanman po dapat maging panghabangbuhay. Kailangan pong malinaw na may mga programa na ipatutupad ang ating gobyerno upang paghandaan ang pagbabalik ng ating mga manggagawa at siguruhing muli silang makakapasok sa ating labor force,” ayon pa kay Villanueva.

Diringin ng Senate labor committee ang iba’t ibang mga panukalang nagsusulong sa pagbuo ng Department of Overseas Filipinos na magiging pangunahing ahensya na tutugon sa mga suliranin ng mga OFW.

Maliban sa pagpapa-igting ng mga frontline services tulad ng distress at repatriation efforts, iginiit ng senador ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga upskilling at re-skilling programs sa mga OFW, at siguruhin ang mga karanasan nila sa trabaho sa ibang bansa ay magagamit nila sa pagbalik nila dito sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Villanueva na ang pagtatatag ng DOFil ay isang magandang pagkakataon para ipatupad ang rightsizing sa mga ahensya na nagbibigay serbisyo para sa mga OFW. Matatandaang pinupuna ng senador ang patuloy na bakanteng mga plantilla positions sa pamahalaan na umaabot na sa higit 180,000 noong nakalipas na taon, habang mayroong 670,000 job orders o contractuals sa buong gobyerno.

“Optimistic po tayo na ang ating mga kasamahan sa national government ay pupunta sa ating pagdinig ng may bukas na pag-iisip. Nais po nating tugunan ang disconnect sa ating mga overseas employment policies at programs, i-rationalize ang ating human resources, alisin ang layering at red tape, lalo na sa mga on-site services. May pagkakataon po tayo na gawin sa prosesong ito ang tinatawag na rightsizing done right,” giit in Villanueva. (ESTONG REYES)

279

Related posts

Leave a Comment