PAGPIGIL SA CHILD SEAT LAW, PMVIS IMPLEMENTATION PINURI SA SENADO

NAGPASALAMAT si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go kay Transportation Secretary Arthur Tugade at Land Transportation Office chief Assistant Secretary Edgar Galvante sa pagpapatigil ng implementasyon ng Child Seat Law at Private Motor Vehicle Inspection System (PMVIS) program.

Sa pahayag, sinabi ni Go na lubha itong nasisiyahan dahil nabawasan ang pasanin ng ordinaryong Pilipino sa naging desisyon ng naturang ahensiya.

“Salamat kay Secretary Tugade at Assistant Secretary Galvante, ipinagpaliban na muna nila. Paigtingin muna ang education campaign,” ayon kay Go.

“Hindi naman po makakalabas pa ang mga bata sa ngayon, bakit natin mamadaliin pag-implement nitong child car seat law, oobligahin nating bumili ang taumbayan, eh, naghihirap nga po. ‘Wag muna ngayon,” paliwanag niya.

Sinabi ni Go na dapat gamitin ng pamahalaan ang lahat upang mabawasan ang pasanin ng mamamayan sa karagdagang pangangailangan sa PMVIS habang tinutugunan pa ng bansa ang COVID-19 pandemic.

“Marami akong narinig na reklamo, pipila sila sa MVIS at ‘di sila maka-rehistro. Halimbawa, ‘yung sasakyan o motor may diperensya konti, ‘di pumasa, ibabalik n’ya, ipapaayos n’ya, babayad na naman siya,” paliwanag ni Go.

“Sa sasakyan P1,500 (to 1,800 for initial inspection). Kapag pinaayos ‘yung sasakyan bayad na naman siya. Babalik na naman siya, another testing, bayad na naman… Isipin n’yo po ‘yung P1,500 (para sa sasakyan), ‘yung sa motor P600 —- katumbas po iyan ng full tank. Hindi lang po full tank, ilang araw na po ‘yang ulam po sa mga hapag-kainan ng bawat Pilipino,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Go na ito ang mga dahilan kaya siya umapela kay Pangulong Duterte at Tugade na ikonsidera ang unang implementasyon ng bagong sistema sa gitna ng malaking hamon na kinahaharap ng bansa. (ESTONG REYES)

147

Related posts

Leave a Comment