PAGCOR, ‘nabudol’ o ‘nagpa-budol?

BALYADOR ni RONALD BULA

MALAKI ang hinala ni Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian na ‘nabudol’ o ‘nagpa-budol’ ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa P6 billion contract nito sa kinuhang ‘third-party auditor’ na Global ComRCI na siyang nag-o-audit sa mga POGO.

Ang kontrata para sa 10 taon ay ibinigay sa PAGCOR kahit kwestyunable ang mga dokumentong ipinasa ng third-party auditor.

Ipinakita sa pagdinig ang ilan sa mga pinaniniwalaang fake document kung saan batay sa bangkong nag-certify sa Global ComRCI na Soleil Chartered Bank, ay mayroong $25 million na pondo ang third-party auditor pero lumabas sa pagdinig na ang nasabing bangko ay hindi rehistrado sa BSP.

Bukod dito, hindi rin rehistrado sa Makati Local Government Unit ang Global ComRCI at hindi rin totoo ang address ng opisina na ibinigay.

Sa mga detalyeng ito ay giniit ni Gatchalian na malinaw na may credibility issue ang third-party auditor.

Hindi naman makasagot ang PAGCOR nang tanungin ng mga mambabatas kung bakit hindi man lang ininspeksyong mabuti kung lehitimo talaga ang principal.

Sinita pa ni Gatchalian ang PAGCOR na sa dami ng mga tauhan nito ay paano sila nabudol o posible namang sinadya talaga nilang magpabudol.

@@@

Samantala, tuloy-tuloy naman ang ginagawang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Kasunod na rin ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung pahihintulutan pa ang operasyon ng POGO sa bansa dahil sa pagkakasangkot ng ilan sa ilegal na aktibidad.

Ayon kay PNP chief, P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., patuloy ang kanilang ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) hinggil dito.

Layon nitong alamin kung ilang POGO companies ang rehistrado at hindi.

Sa datos mula sa Bureau of Immigration (BI), mula sa 368 na mga hindi rehistradong POGO workers ay 156 na sa mga ito ang naipa-deport.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

274

Related posts

Leave a Comment