PAGDAGSA PA NG CHINESE POGO WORKERS INAASAHAN

poker

(NI BERNARD TAGUINOD)

LALO pang daragsa ang Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gambling Operations (POGO) matapos i-ban na ng Cambodia ang offshore on-line gaming activities sa kanilang bansa.

Ito ang pinangangambahan ni TUCP party-list Rep. Raymond  Mendoza, kaya iminungkahi nito na magkaroon ng POGO coordinating body kung hindi iba-ban ng gobyerno ang POGO na pinatatakbo ng Chinese nationals.

Ayon kay Mendoza, nagpasya si Cambodia Prime Minister Hun Sen na tuluyang ipagbawal ang online gambling operations ng Chinese nationals sa kanilang bansa.

Kasunod ito aniya ng paglala ng kriminalidad sa kanilang bansa na may kaugnayan sa ilegal na droga, prostitusyon at kidnapping at sa  casino hubs sa bayan ng Sihanoukville, Bavet at  Poipet sa Cambodia.

Nabatid sa mambabatas na umaabot na sa 6,000 Chinese nationals ang napilitang umalis sa Cambodia simula nang ipagbawal ni Hun ang offshore online gaming activities sa kanyang bansa.

Sinabi ni Mendoza na posibleng lumipat ang Chinese nationals sa Pilipinas para ipagpatuloy ang kanilang aktibidad kaya kailangang umaksyon na ang gobyerno.

“While we are assessing the POGO overall social implications and weigh the comprehensive benefits of this online gambling industry in our economy by putting on hold issuance of new operating licenses, we would like to propose the creation of a POGO coordinating body that has supervision and control of the industry for the benefit of the country,” ani Mendoza.

Sa ngayon iba-iba ang tungkulin ng mga ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Internal Revenue (BIR),  Bureau of Immigration (BI),  DePpartment of Labor and Employment (DOLE) at Philippine National Police (PNP) sa POGO industry.

219

Related posts

Leave a Comment