MOOT and academic na o wala nang saysay pa para habulin ng gobyerno ang sinomang maaaring managot sa pagbabantay sana sa naging pag-uugali ni US Marine Corporal Joseph Scott Pemberton sa panahon ng kanyang pagkakaditene.
Sinabi ni Presidential spokesperson, Harry Roque, moot and academic na ang gayung posibilidad lalo’t nasa ilalim naman ng hurisdiksiyon ng Amerika si Pemberton habang ito ay nakakulong.
Giit ni Sec. Roque ay wala nang paraan para ganap na madetermina ang behavior o naging asal ng Amerikanong sundalo sa mga taong ito ay nakapiit.
Ang katuwiran ni Sec. Roque, hindi naman pupuwedeng ipilit o tanungin sa mga Amerikano kung paano nila trinato ang kanilang kababayan gayung wala namang otoridad ang pamahalaang Pilipinas sa mga Amerikanong nagsisilbing guwardiya ni Pemberton.
“Well, that is now moot and academic kasi nga sabi ni Presidente, ito iyong issue na hindi natin malalaman kasi nga habang nasa hurisdiksyon siya ng Amerika noong siya ay nililitis, hindi natin malalaman kung paano naging conduct niya diyan ano,” ayon kay Sec. Roque.
“So, tingin ko moot and academic na po iyan kasi hindi naman natin pupuwedeng i-insist o tanungin sa mga Amerikano kung paano nila trinato si Pemberton dahil wala naman tayong hurisdiksyon doon sa mga Amerikanong guwardiya niya habang siya ay nililitis,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
WALANG HUSTISYA
NANINIWALA namang si Senadora Leila de Lima na ang pagpapatawad at pagpapalaya kay Pemberton ay nagpapakita na “patuloy ang kawalan ng hustisya” sa pagpatay kay Jennifer Laude.
Idiniin ni De Lima na “[President Rodrigo Duterte’s] grant of pardon to Scott Pemberton does nothing for the Filipino people – except to inflict further injustice.”
Nakulong si Pemberton kahit noong nililitis pa lamang sa korte ang kasong pagpatay kay Laude hanggang hatulan siya ng korte kaya pinatawad na ng pangulo ang dating sundalong Amerikano.
Pagkatapos ng pagbibigay ng “absolute pardon” kay Pemberton, nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na “sariling desisyon ni Duterte” ang paggawad ng lubos na pagpapatawad.
Ayon kay Guevarra, ang desisyon ng pangulo ay kapangyarihan nito na pinahintulutan ng Konstitusyon.
Inulit ni De Lima na ilegal ang pagpapalaya ng Olongapo Cty Regional Trial Court kay Pemberton gamit ang “Good
Conduct Time Allowance” (GCTA) Law dahil wala nang “jurisdiction” ang naturang korte sa kaso ni Pemberton.
Ang mayroong legal na kapangyarihan alinsunod sa GCTA Law na magrekomenda sa pagpapalaya ng bilanggo gamit ang GCTA Law ay ang Bureau of Corrections (BuCor).
Isa pang ipinagtataka ng senadora ay ang pagpapalaya ng Olongapo City-RTC kay Pemberton, samantalang wala namang humiling nito sa korte.
Kahit ang United States Embassy sa bansa ay hindi nanghimasok sa kaso ni Pemberton. (CHRISTIAN DALE/NELSON S. BADILLA)
153
