BUKOD sa pandemyang COVID-19 na kinakaharap ng ating bansa hanggang ngayon, panahon nanaman ang pagpasok ng mga bagyo.
Dahil sa lokasyon ng Pilipinas, maituturing na karaniwang pangyayari ang pagdaan ng mga bagyo sa bansa.
Nito lamang nakaraang linggo ay dalawang bagyo ang magkasunod na tumama sa bansa at ito ay pinangalanang Pepito at Quinta.
Marami ang nasalanta ng malakas na hangin at matinding pag-ulan na naging sanhi ng pagbaha.
Dati nang natukoy ng mga eksperto na ang mga bagyo na may dalang malakas na hangin ay nagdudulot ng mas matinding pinsala kung ikukumpara sa mga bagyong may dalang matinding pag-ulan.
Ang bagyong Quinta ay isang halimbawa ng bagyong may dalang malakas na hangin. Marami ang nasalanta sa rehiyon ng Bicol at sa Luzon.
Pansamantalang nilisan ng mga nasalanta ang kanilang tirahan at nanatili muna sa mga evacuation center.
Gaya ng iba pang mga kalamidad na dumaan sa bansa, ang Meralco ay handang harapin ang mga ito.
Nagpalabas ng abiso ang Meralco para sa mga customer nito patungkol sa mga pag-iingat na maaari nilang gawin sa kani-kanilang mga bahay sakaling pasukin ito ng mataas na pagbaha, at iba’t iba pang sitwasyon na may kinalaman sa mga panganib na maaaring idulot ng kuryente sa panahon ng bagyo.
Bukod sa mga nabanggit, inihanda rin ng Meralco ang mga empleyadong inatasang sasagot ng mga tawag ng mga customer sa hotline nito at mga reresponde sa mga lugar na mawawalan ng kuryente dahil sa bagyo.
Nakaabang ang mga crew ng Meralco 24/7 at handang rumesponde sa anumang uri ng report na may kinalaman sa kuryente.
Sinikap ng Meralco na maibalik agad ang supply ng kuryente sa mga lugar na mawawalang ng kuryente dahil sa bagyong Quinta.
Sa katunayan, halos isang araw lamang ang ginugol ng Networks Team ng Meralco upang maibalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Patuloy ang pagbibigay ng paalala ng Meralco sa mga customer nito kung ano ang mga dapat gawin sakaling pasukin ng baha ang kabahayan.
Una, mahalagang ii-switch off ang main circuit breaker upang pansamantalang pigilan ang pagdaloy ng kuryente sa bahay. Ikalawa, ugaliing tanggalin sa pagkakasaksak ang mga kagamitan.
Ikatlo, upang makasiguro, kung pinasok ng baha ang bahay, ipasuri muna sa lisensyadong electrician ang mga saksakan at kagamitan bago muling gamitin.
Ugaliing subaybayan ang balita ukol sa mga kalamidad gaya ng bagyo na nakatakdang pumasok sa bansa.
Siguraduhing bukas ang linya ng komunikasyon upang hindi mahirapang humingi ng tulong kung sakaling kailanganin ito.
Siguraduhing may charge ang mga cellphone, laptop, radyo, at iba pang kagamitang maaaring gamitin sa komunikasyon at sa pagsagap ng mga update ukol sa bagyo.
Sa panahon ng kalamidad, makakaasa ang mga customer na bukas ang linya at handang tumugon sa mga tawag 24/7 ang Call Center ng Meralco sa bilang na 16211.
Maaari ring iparating ang mga report sa opisyal na Facebook page at Twitter page ng Meralco.
