PAGHAHANDA SA PAGDATING NG THE BIG ONE

SA GANANG AKIN

Sunud-sunod ang paglindol sa ating mga karatig bansa nitong nakaraang linggo. Isang paglindol na may lakas na 6.8 magnitude ang yumanig sa Japan dahilan upang maglabas ng abiso ang Japan Meteorological Agency sa publiko na maging handa sa posibilidad ng pagkakaroon ng tsunami.

Bukod sa Japan, nakaranas din ng 6.0 magnitude na lindol ang probinsya ng Sichuan sa China na naging sanhi upang gumuho ang isang hotel sa Changning Country sa siyudad ng Yibin kung saan 11 ang namatay at 122 ang sugatan.

Dalawang buwan ang nakaraan isang 6.1 magnitude na paglindol ang yumanig sa Luzon na siyang naging dahilan ng pagguho ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga. Ang naiulat ay 18 ang namatay habang 282 ang sugatan. Sa kaparehong buwan, isang 6.1 magnitude naman na lindol ang tumama sa Eastern Samar at Zambales.

Lingid sa ating kaalaman na anumang araw ay maaaring mangyari ang kinatatakutan nating The Big One. Ayon sa mga eksperto, nangyayari ito tuwing ika-400 hanggang 500 taon at napakalaki ng posibilidad na mangyari ito sa ating panahon.

Handa ba tayo sa pagdating ng The Big One? Kailangang suriin ang kalidad ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng pundasyon ng mga matataas na gusali sa bansa. Ayon sa mga eksperto, ang grade 40 na uri ng bakal ay maaaring gamitin para sa mga mid-rise na mga gusali at grade 60 naman para sa matataas na gusali upang masiguro na kakayanin nito ang pwersa ng The Big One.

Sa usapin ng pagpapaalala, nais ko ring paalalahanan ang aming customers na maging mapanuri sa mga taong nagpapakilala bilang empleyado ng Meralco lalo na kung ito ay nag-aalok ng ilegal na serbisyo gaya ng pagpapababa ng konsumo o ng Meralco bill kapalit ng ekstrang bayad.

Kamakailan lamang ay nahuli ang tatlong hinihinalang suspek sa isang entrapment operation na isinagawa ng Mandaluyong Police Station sa pakikipagtulungan sa Meralco. Base sa kwento ng biktima, nangako ang mga salarin na mangangalahati ang bill ng kuryente ng biktima sa pamamagitan ng kanilang serbisyo kapalit ng pitong libong piso. Nang hindi ito nangyari, nagreklamo ang biktima sa salarin at humingi ang salarin ng karagdagang bayad at nangakong aayusin ang kanyang metro. Dito na humingi ang biktima ng tulong sa Meralco na siyang nagbigay daan sa isang matagumpay na entrapment. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

359

Related posts

Leave a Comment