PAGHULI KAY FPRRD KIDNAPPING – ROQUE

IGINIIT ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ang pag-aresto at agarang paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay isang “kidnapping” at lantarang paglabag sa international legal standards at due process.

Si Roque, na kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa depensa ni Duterte, ay nagbabala ng isang “government-orchestrated abduction.

“Inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Interior Secretary Jonvic Remulla ng pagsasagawa ng isang extra-judicial transfer na labag sa batas.

Tinukoy ni Roque ang Article 59 ng Rome Statute, na nagsasaad na ang sinomang akusado ng ICC ay dapat munang iharap sa isang competent judicial authority sa sariling bansa upang patunayan ang bisa ng arrest warrant, tukuyin ang pagkakakilanlan ng akusado, at tiyakin na hindi nilabag ang kanyang mga karapatang legal.

“Kidnapping ito!” diin ni Roque. “Ayon sa Rome Statute, dapat dinala muna si Duterte sa isang local court upang tiyakin ang legalidad ng kanyang pagsuko. Sa halip, isang lihim na operasyon ang isinagawa na bumalewala sa kanyang karapatang dumaan sa due process.”

Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 11 matapos dumating mula sa Hong Kong at agad na inilipad patungo sa The Hague, Netherlands kung saan isinuko siya sa ICC ilang oras lamang matapos siyang arestuhin.

Matatandaang unang inilantad ni Atty. Raul Lambino ang akusasyon na isang government-led conspiracy ang pag-aresto kay Duterte na pinlano at isinagawa nina Marcos, Año, Teodoro, at Remulla.

Tinukoy ni Lambino ang mismong pag-amin ni Remulla na nagkaroon ng high-level discussions bago ang pag-aresto kay Duterte, para sa aniya’y pagtulong sa Interpol sa pagpapatupad ng ICC warrant.

“Higit pa ito sa pagiging iregular,” giit ni Lambino. “Isa itong planadong pagdukot na lumabag sa soberanya ng Pilipinas at bumalewala sa karapatan ng ating hudikatura na suriin ang pag-aresto.

Ang nasasaksihan natin ngayon ay isang ‘grand conspiracy’ upang dukutin ang dating pangulo at ipasa siya sa isang dayuhang korte.”

Binatikos din ni Lambino ang administrasyon, sinasabing lumilikha ito ng seryosong constitutional at legal issues, lalo na’t opisyal nang umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019 sa ilalim mismo ng pamumuno ni Duterte.

“Paano bigla na lang makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC sa isang pag-aresto kung hindi na tayo miyembro ng korte?” tanong niya.

Dahil sa lumalaking kontrobersiya, agad na inatasan ni Senador Imee Marcos—kilalang kaalyado ni Bise Presidente Sara Duterte—ang Senate Committee on Foreign Relations na imbestigahan ang legalidad ng pag-aresto at paglilipat kay Duterte.

“Mahalagang matukoy kung nasunod ang due process at kung naipagtanggol ang kanyang mga legal na karapatan,” pahayag ni Marcos. “Hindi natin maaaring hayaan na malabag ang soberanya ng ating bansa.”

22

Related posts

Leave a Comment