Pagiging ‘magaspang’ ng gobyerno pinalagan KONGRESO ‘WAG GAMITIN PARA GUMANTI SA OFWs

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KINONDENA ng isang grupo ang mistulang pagbabanta ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga overseas Filipino worker (OFW) na sasama sa protesta na maaaring bawiin ng mga mambabatas ang kanilang mga pribelehiyo.

Nauna rito, inihayag ng ilang OFW ang pagsasagawa ng ‘zero remittance week’ bilang pagsuporta kay dating pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa panawagang ibalik ito sa Pilipinas.

Ayon kay AKO-OFW nominee Joseph Rivera, hindi katanggap-tanggap at kagaspangan ng kapangyarihan kung gagawin ito ng gobyerno para sa mga sinasabing ‘bagong bayani’ ng bansa.

Binigyang-diin ni Rivera na ang pagtigil ng remittances ay isang legal at hindi marahas na pagpapahayag ng mga paniniwala sa pulitika ng mga OFW, tulad ng isang nationwide strike.

Aniya, hindi dapat gamitin ng gobyerno ang Kongreso bilang isang sandata para sa pampulitikang paghihiganti laban sa mga migrant worker at sa kanilang mga karapatan.

Aminado si Rivera na malaking bahagi ng paglago sa ekonomiya ng Pilipinas ay sa pamamagitan ng kanilang remittances o pinapadala.

Noong 2022, ang mga padala ng OFWs ay umabot sa $32.54 bilyon, na kumakatawan sa humigit-kumulang 9-10% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.

Ang pahayag ni Rivera ay tumalakay sa kahalagahan ng pagprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng OFWs na may mahalagang papel sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Nauna rito, binalaan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang mga social at political leaders sa posibleng adverse consequences aniya ng planong zero remittance week ng OFWs.

Sa isang statement, sinabi ni Enrile na sinoman ang nagpayo sa mga OFW na suspendihin ang remittance ng kanilang mga kinikita sa ibang bansa ay dapat mag-isip ng maraming beses sa

posibleng magiging epekto ng naturang payo sa ating mga kababayang OFW.

Ipinaalala rin niya na dumaan sa Kongreso ang lahat ng benepisyong tinatamasa ng mga OFW.

Samantala, tinutulan ng Migrante International, isang pandaigdigang samahan ng OFW ang planong “zero remittance day”.

Sa isang panayam sa radyo nitong Miyerkoles, sinabi ni Migrante International Deputy Secretary General Josie Pingkihan na insulto sa mga biktima ng war on drugs ang panawagang “zero remittance day” dahil isa itong political action na ginagamit para sa hinahangad na pagbabago ng mga OFW.

“Gusto po naming iparating sa ating mga kababayan na ‘yong ‘zero remittance day’ ay isang political action na ginagamit natin bilang pag-pressure sa ating government sa hangad nating pagbabago…para sa kapakanan ng OFW,” ani Pingkihan.

Matatandaang Migrante International ang unang nagkasa ng “zero remittance day” noong 2008 bilang pag-alma sa pagpapataw ng mataas na bayarin sa mga OFW sa ilalim ni dating pangulong Gloria Arroyo.

47

Related posts

Leave a Comment