HINDI ko alam kung sino ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa Tuguegarao, Cagayan at kung hindi ba niya alam ang katamaran na ginagawa ng kanyang mga tauhan.
Pero hindi ko mapalagpas ang reklamong natanggap ng inyong Deep Penetration Agent as in DPA na tila modus sa LTO sa Tuguegarao City hinggil sa karanasan ng mga nagpapa-change ownership ng mga sasakyan.
Mayroon kasi isang bumili ng tricycle na panghanapbuhay kaya ipinapa-transfer sa pangalan ng bumili ang sasakyan kaya pumunta sila sa LTO sa Tuguegarao City para iproseso ang papales.
Pagdating daw sa LTO, sinabihan ang nagpapa-tranfer na nawawala ang mga dokumento kaya pinayuhan na magpalit na lamang ng plaka dahil hindi mahanap ang mga papeles.
Hindi pumayag ang nagpapa-transfer at may nagrekomenda na ipalakad na lang sa mga fixer ang papeles at presto nahanap ang nawawalang dokumento ng tricycle at nailipat naman sa pangalan ng bumili.
Imbes na P3,000 lang ang dapat bayaran sa LTO, napagastos ang nagpapa-transfer ng P7,000.
Saan ang katarungan dyan lalo na ngayong wala ng kita ang mga tao dahil sa pandemya ng covid-19.
Kawawa ang mga tao na napapagastos sa ganyang kalaki lalo na’t limitado ang kinikita ngayon ng mga tricycle driver dahil sa pandemyang kinakaharap natin ngayon sa ating bansa.
Wala ba kayong konsensya?
Teka, bakit nahanap ang mga papeples ng tricycle noong may naglakad na higit doble ang singil sa dapat talagang bayaran? Naghahanap ba talaga ang mga empleyado ng LTO sa Tuguegarao City o ipinapalabas lang na nawawala ang mga dokumento?
Sa panahon ngayon, isang click na lang sa computer ay mahahanap mo na ang dapat mong hanapin. Hindi pa ba computerized ang LTO sa Tuguegarao City para mahirapan silang mahanap ang mga dokumento ng mga tax payers na nagpapasuweldo sa kanila? Magagalit si Presidente Duterte nyan ah.
Saka bakit nyo papayuhan ang mga may-ari ng sasakyan na magpalit na lamang ng plaka? Tamang payo ba ‘yun? Hindi ba lalo nyong binibigyan ng problema ang mga tao pagdating ng panahon?
Kapag nagdoble-doble ang dokumento ng isang sasakyan, darating ang araw na sasakit ang ulo ng may-ari dahil kukuwestiyunin ng mga otoridad iyan kapag nahuli sila sa isang simpleng traffic violation.
Baka aakusahan pa ang may-ari ng sasakyan na nakaw ang gamit niyang sasakyan dahil iba ang plakang gamit niya sa orihinal na plaka ng behikulo. Tama bang payo yan?
Tulad ng sabi ko, baka hindi alam ng hepe ng LTO-Tuguegarao City ang ginagawang ito ng kanyang mga tauhan kaya nararapat lamang na umaksyon ito dahil hindi maiiwasang masasabit ang pangalan niya sa ganitong kalokohan sa kanyang tanggapan.
Hindi ko alam kung kailan ba ito ginagawa sa LTO-Cagayan at ilan na ang biktima ng mga fixer dahil sa katamaran ng mga tauhan ng ahensyang ito. “Mari nu kuntyan ko wawahi.”
