PAGKAKAIT NG KARAPATAN

SA nalalabing mga araw bago sumapit ang takdang araw ng halalan, higit na kailangang linawin ng Commission on Elections (Comelec) ang kalituhan — kundi man pasakit na dulot ng kanilang magkasalungat ng reglamento sa Mayo 9, 2022.

Ang totoo, kakaiba ang gagawing halalan sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Malayo sa nakagisnan dahil na rin sa patuloy na bantang dala ng pandemya. Ibayong higpit na kalakip ng mekanismong inilatag ng nasabing ahensya.

Parang dumadaan sa butas ng karayom kung ilarawan ng ibang grupo ang nakalatag na panuntunan ng Comelec sa mga botanteng tutungo sa kani-kanilang polling precincts para pumili ng napupusuang kandidato.

Dangan naman kasi, kailangan pang ­magprisinta ng vaccine card ang mga botante, bukod pa sa pagsusuri ng mga nakatalagang medical teams sa hangaring tiyaking walang bahid ng nakamamatay na COVID-19 ang mga boboto.

Sa isang banda, angkop lang naman ang pag-iingat laban sa hawaan. Subalit may agam-agam ang mga botante sa haba ng prosesong posibleng maging dahilan para lumikha ng isang daluyong ng mga taong nakapila sa entrada ng itinakdang polling places.

Sa puntong ito, marami ang diskumpiyado – sapat ba ang itinakdang oras ng botohan kung masyadong malaking oras ang kakainin bago pa man makapasok sa polling precincts na may kapasidad lang na 30 katao kada bugso?

Sa tantya ng Comelec, 30 minuto ang kakaining oras sa proseso ng pagboto – mula sa entrada kung saan hahanapin ang vaccine card, sa medical check-up, hanggang sa aktuwal na pagboto.

Ang masaklap, hindi pahihintulutang makaboto ang mga rehistradong botante kung walang vaccine card na maipapakita sa entrada pa lamang.

Susmaryosep! Bukod sa Kongreso, gumagawa na rin ba ng sariling batas ang Comelec?

Tugon naman ng Comelec, walang ipinagkakait na karapatan sa mamamayan. Anila, pwede pa rin naman bumoto ang mga walang vaccine cards pero kailangang makapagpakita ng orihinal na sipi ng resulta ng RT-PCR test na sila’y negatibo dalawang araw bago ang takdang araw ng halalan.

Pero teka, magkano ba ang kailangan ng mga botante sa swab test? Ang masaklap pa niyan, kanya-kanyang gastos ang RT-PCR test na tila ba sinasabi ng komisyon ay ito – kung wala kang vaccine card o pambayad man lang sa swab test, ‘wag ka na lang bumoto!

Malinaw na taliwas ang mga reglamentong giit ng Comelec sa paandar ng ahensiyang minsang nagsabing maging ang mga may sintomas bibigyan ng pagkakataong makaboto gamit ang bukod na polling precincts sa mga makikitaan ng sintomas.

157

Related posts

Leave a Comment