NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa pagkamatay ng isang 22-anyos na lalaking inaresto dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga, matapos na ideklarang dead on arrival sa ospital sa Dasmariñas City, Cavite noong Huwebes ng gabi.
Dead on arrival sa Southern Tagalog Regional Hospital si John Glester Sereneo na naaresto dahil sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ayon sa ulat ni Corporal Fidel Querijero III ng Dasmariñas City Police, pasado alas-9:00 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU) Cavite sa Brgy. Saint Peter 1, Dasmariñas City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska ang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P225,000.
Matapos maaresto ay dinala ang suspek sa Cavite Police Provincial Office (PPO) para sa documentation pero nakaramdam umano ito ng hirap sa paghinga kaya isinugod sa ospital kung saan idineklarang patay dakong alas-10:18 ng gabi..
Nabatid na bago dinala ang suspek sa Cavite PPO ay nagkaroon umano ng ‘resistance’ sa pagitan ng umarestong pulis at ang suspek.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng suspek upang mabatid kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay nito. (SIGFRED ADSUARA)
186 