SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES
HINDI kalayuan sa kabisera matatagpuan ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas – ang Laguna de Bay na pinangangasiwaan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), isang ahensya sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang totoo, mandato ng DENR ang tiyakin at panatilihing malusog ang lawang may sukat na 91,170 ektarya ng malawak na pangisdaan ng mga mamamalakaya sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, katimugang bahagi ng Metro Manila.
Subalit sa nakalipas na 50 taon, ang dati-rating tahanan ng mahigit 40 uri ng isdang tabang, unti-unting nalason kasabay ng industriyalisasyong mistulang kinukunsinti ng LLDA na piniling maningil na lang ng environmental user’s fee (EUF) kesa supilin ang mga mapaminsalang pabrika.
Sa mga pag-aaral, lumalabas na anim na lang mula sa nasa 40 uri ng isdang tabang ang nabubuhay sa naturang lawa. Bakit kamo? Kasi nga, nalason na ng mga kemikal na itinatapon ng mga pabrika, basurang inaanod ng mga ilog patungo sa Laguna de Bay.
Wala na ang martiniko, igat, talakitok, biyang bato, kansuswit, biyang tulog, biyang puti, buan-buan, bulong; talilong, dalag, papalo, tawes, kitang, baliga, plasid, burdadong plasid, hipong tabang, at iba pang ‘di ko na matandaan ang katawagan.
Kaunti na lang din ang kanduli, hito, karpa, bangus, ayungin at tilapia.
Kung mayroon mang sagana sa lawa, yun ay ang mga mapaminsalang janitor fish at basurang tangay-tangay ng agos ng mga ilog patungo sa nasabing lawa.
Batay sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa, bumabaw na ng bongga ang lawa. Ang dating lalim na 12.5 metro, mahigit dalawang metro na lang dahil sa banlik at basura. Pati ang lapad ng Laguna de Bay, mistulang umurong na rin bunsod ng mga kabi-kabilang reclamation projects na isinagawa ng mga pribadong kumpanyang hanap ay pinakamalapit na tapunan ng kanilang industrial wastes.
Bigla kong naalala ang isang dating LLDA general manager – si Atty. Joey Mendoza na minsang nagsabing hindi na maiiwasan ang tuluyang pagkawasak ng lawa dahil sa mekanismong EUF na nagbibigay pahintulot sa mga industriyang lasunin ang naturang lawa, kapalit ng kitang ginagamit ng naturang ahensya sa kanilang araw-araw na operasyon, bonggang sahod, bonus at allowances ng mga opisyal, ang magarbong opisina, at mga programang wala namang magandang dulot sa lawa.
Kailangan pa ba gumastos ng gobyerno para lang wasakin ang lawa? Pwede naman yatang buwagin na lang yan. Kung pwede lang naman.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
169