PAGKARAAN ng pormal na panunumpa sa tungkulin bilang ika-17 Pangulo ng bansa ni Ferdinand Marcos Jr., simula na ang pagharap sa matinding hamon.
Ang P12.76 trilyong pagkakautang, bangkaroteng kaban ng pamahalaan, katiwalian, banta sa kalusugan, mababang produksyon ng pagkain, trabaho, hindi maawat na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo at manipis na supply ng kuryente – ilan lang yan sa nakaatang sa balikat ng donselyang Pangulo.
Pagtitiyak ni Marcos Jr., gobyerno na mismo ang bababa sa mga tao sa hangaring direktang marinig ang pangangailangan at hinaing ng sambayanang Pilipino.
Garantiya pa ng bagong Pangulo, susuklian niya ng katuparan ang lahat ng kanyang ipinangako, sa kondisyong makikipagtulungan sa pamahalaan ang sambayanan.
Ang totoo, katangi-tangi ang bagong Pangulo. Nanatili siyang tikom sa kabila pa ng walang humpay na pagbatikos. Ipinagkibit-balikat lang niya ang lahat ng intriga. Pati panayam sa media, isinantabi para tiyaking maaabot at personal niyang makakadaupang-palad ang mga mamamayang Pilipino.
Tapos na ang panahon ng politika kaya naman bukas din aniya ang kanyang termino maging sa mga kritiko, kasabay ng panibagong panawagan sa kolektibong pagkilos sa hangaring ibangon muli ang bansang sukdulang naghihikahos.
Sa ipinamalas na suporta ng mayorya ng populasyon, naniniwala rin ang bagong Pangulo na hindi siya mabibigo sa pangarap niyang makita ang bansang Pilipinas sa dating trono – tinitingala, hinahangaan, nirerespeto at kinikilala sa husay sa iba’t ibang larangan.
Hindi biro ang hamon kay Marcos Jr. Ang minanang problema, kailangan niya’y resulta. Paano nga ba sosolusyunan ni Marcos ang sandamakmak na problemang dinatnan sa pamahalaan?
Dito kailangan ang tiwala ng mga Pilipino.
Hindi naman siguro magsasalita ang bagong Pangulo kung wala siyang kakayahan. Hindi rin marahil niya ipapangako ang solusyon sa problema kung walang mabisang mekanismong nakahanda.
Pero anumang husay ng kahit na sinong Pangulo, mabibigo ang gobyerno kung walang suporta ng mga tao. Sa puntong ito, higit na kailangan natin magtiwala, sumuporta at kung maaari ay makibahagi sa isahang pagkilos tungo sa iisang landas – ang pagbangon ng bansang inilugmok ng labis na pulitika, galit, inggit at personal na interes ng iilan.
Mungkahi sa halip na patutsada. Gawa kesa dada. Yan ang susi ng bayanihan.
196 