PAGLABAG SA PROTOCOL SA PRES’L COVERAGE ‘DI DAPAT MAULIT – PCO

IPINAGTANGGOL ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz ang desisyon ng Media Accreditation and Relations Office (MARO) na humiling ng kapalit para sa reporter ng Net 25 na si Eden Santos, na lumabag sa itinakdang media protocols sa ginanap na aktibidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tarlac noong Hunyo 25.

Sa kanyang opisyal na tugon kay Officer-in-Charge ng Malacañang Press Corps (MPC) Ivan Mayrina, binigyang-diin ni Ruiz na ang insidente ay hindi basta pagkukulang kundi isang seryosong pangyayari na nagbanta sa seguridad ng Pangulo at nakasira sa kaayusan ng programa.

“Ang pagko-cover sa Pangulo ng Republika ay hindi isang ordinaryong assignment. Kinakailangan nito ng disiplina, tamang asal, at mahigpit na pagsunod sa mga nakatakdang security protocol—hindi lamang bilang respeto sa Tanggapan kundi para sa kaligtasan ng Pangulo at ng lahat ng naroroon,” ani Ruiz.

Makikita sa kuhang video mula sa aktibidad na iniwan ni Santos ang itinalagang media area at biglaang lumapit sa Pangulo nang walang pahintulot. Pinigilan siya ng isang unipormadong security personnel bilang tugon sa nakitang banta sa seguridad.

Mas nakababahala, ayon kay Ruiz, ay ang naging epekto ng kilos ni Santos—kung saan nagsimula ring gumaya ang ibang mamamahayag, na lalo pang nagpalala sa sitwasyon at nagdulot ng dagdag na pressure sa Presidential Security Team.

“Ang ganitong chain reaction ay labis na nakaabala sa takbo ng programa at nagtakda ng masamang halimbawa na kung hindi aaksyunan ay maaaring sumira sa disiplina na matagal nang pinanghahawakan sa pagko-cover sa Palasyo,” giit niya.

Sa panahong iyon, si Pangulong Marcos ay inaakay na ni Interior Secretary Jonvic Remulla patungo sa platapormang pagdarausan ng kanyang talumpati. Nilinaw ni Ruiz na ang kilos ni Santos ay “hindi inatasan, walang pahintulot, at tahasang lumabag sa mga panuntunang ipinalabas ng MARO,” na mahigpit na nagbabawal sa ambush interviews at walang paalam na paglapit sa Pangulo.

Kaugnay nito, ipinaabot din ni Ruiz kay Mayrina ang pagtitiyak ng NET 25 na sila ay susunod sa protocols sa mga susunod na aktibidad, kabilang ang sa Tacloban, Leyte sa Hulyo 7.

“Nais ko ring ipabatid sa inyo na nakatanggap kami ng liham mula kay Paul Padua, Chief ng NET 25 News and Information, na muling kinumpirma ang kanilang pangakong ‘susunod sila sa protocol at susunod sa patakaran ng coverage.’ Isa itong positibong hakbang sa konteksto ng nangyari sa Tarlac.”

Dagdag pa rito, tinukoy din ni Ruiz na sangkot si Santos sa isang insidente noong Mayo 14 sa Philippine Information Agency, kung saan habang briefing ni Usec. Claire Castro, ay sumigaw siya ng “bastos!” sa isa sa mga kawani ng PCO.

Bukod dito, sa tatlong magkakahiwalay na insidente, hindi rin umano nakasunod si Santos sa mga itinakdang deadline para sa media enlistment na bahagi ng Media Advisories para sa maayos na koordinasyon sa Presidential Security Command (PSC).

“Paulit-ulit na kaming nagpaalala at nakipag-ugnayan sa kanya para sundin ang tamang proseso, subalit bigo pa rin siyang sumunod,” ayon sa liham.

Sa isa pang presidential event sa Philippine International Convention Center (PICC), nalaman din na nang malate si Santos sa pagdating, dumiretso na siya sa PSC para magpalista imbes na sundin ang karaniwang protocol.

Upang idiin ang mga pamantayan sa pagko-cover sa Pangulo, binanggit ni Ruiz ang ilang probisyon sa Journalists’ Code of Ethics:

“Ako’y gagamit lamang ng patas at matapat na pamamaraan sa pagkuha ng balita, larawan, at dokumento…” (Talata 3)
“Hindi ako makikinabang sa kapinsalaan ng kapwa ko mamamahayag.” (Talata 9)
“Tatanggapin ko lamang ang mga tungkuling katugma ng dangal at integridad ng aking propesyon…” (Talata 10)
“Ako’y kikilos sa paraang mapanatili ang dangal ng aking propesyon. Kapag may alinlangan, ang kahinhinan ang dapat kong gabay.” (Talata 11)
Nilinaw rin ni Ruiz na ang hiling na palitan si Santos ay hindi personal o parusa.

“Nais kong idiin: hindi ito tungkol sa pananahimik kay Ms. Santos o pagpaparusa sa kanyang network. Ito ay usapin ng pananagutan sa paglabag sa protocol. Ang Malacañang credentials ay mga pribilehiyo, hindi karapatan,” ani Ruiz.

Binigyang-diin ni Ruiz kay Mayrina na layunin ng PCO na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan—hindi lamang para sa Pangulo at sa kanyang grupo kundi pati na rin sa mga mamamahayag na nagko-cover sa kanya.

“Ang layunin namin ay hindi upang parusahan, kundi upang protektahan—ang Pangulo, ang institusyon, at ang propesyonal na kapaligiran na ating pinaghahatian,” dagdag pa ng liham.

“May tiwala kami na ang MPC ay patuloy na magtataguyod ng mga pamantayang matagal nang gumagabay sa ating kolektibong paglilingkod sa publiko,” pagtatapos ni Ruiz.

(JOEL AMONGO)

31

Related posts

Leave a Comment