PAGLABAS SA PUBLIKO NI ATTY. VIC RODRIGUEZ, IKINATUWA

BISTADOR Ni RUDY SIM

LABIS na ikinatuwa ng mga supporter ni Atty. Vic Rodriguez ang kanyang muling paglitaw sa publiko mula nang ito ay kusang nagbitiw sa puwesto bilang Executive Secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., halos isa’t kalahating buwan na ang nakararaan.

Sa official Facebook page ni Atty. Rodriguez, sinabi nito na walang dapat ipag-alala ang kanyang mga tagasuporta dahil nasa maayos na kalagayan at mabuti siyang kalusugan. Nagpaalala rin ito na mag-ingat at pairalin ang pasensya dahil sa pagbuhos ng mga taong tutungo sa mga sementeryo upang gunitain ang araw ng mga namayapa nating mahal sa buhay.

Matapos ang pagbibitiw ng dating mataas na opisyal ng gobyerno ay nagkaroon ito ng pagkakataon upang makabawi sa kanyang pamilya na mabigyan ng oras na makasama, dahil sa sobrang naging abala ito mula nang mag-umpisa ang kampanya, halalan at hanggang manungkulan ito sa Palasyo ng Malacañang.

Napansin din ng publiko na naging maganda na ang awra ni Atty. Rodriguez at nakabangon na ito sa stress na inabot dahil sa halos 24/7 na walang pahinga sa trabaho bilang isang “little president”.

Matatandaang naging palaban si Atty. Rodriguez sa mga taong nais makakuha ng puwesto sa pamahalaan para sa kanilang pansariling interes at kahit gumamit pa ang mga ito ng malalakas na padrino, ay hindi ito umubra sa dating opisyal.

Lahat ng akusasyon ay buong tapang na hinarap nito maging ang pagdinig sa Senado kung saan ay inilampaso nito ang ilang opposition senators at sa huli ay naabswelto makaraang mapatunayan na wala itong kinalaman sa nadiskubreng sugar importation.

Dito natin makikita na bihira na lamang ang mga taong mayroong prinsipyo sa buhay sa kabila na binabato habang ito’y nakatalikod, upang mapagtakpan lamang ang kanilang tunay na hangarin na manatili at magsamantala sa gobyerno.

May kasabihan nga sa wikang English na “You Can’t Keep a Good Man Down”. Ang pagiging kalmado ng isang tao laban sa mga taong nag-aakusa nang walang basehan ay hindi maituturing na kaduwagan kundi isang tunay na taong may prinsipyo.

Kapansi-pansin na maganda ang karisma at hatak sa publiko ni Atty. Rodriguez kumpara sa kasalukuyang Executive Secretary na si Lucas Bersamin na tila isang dekorasyon na lamang sa Palasyo ng Malacañang at napaliligiran ng patay-sindi na ilaw na pinatatakbo lamang ng isang makina.

Gaya ng mensahe ni Atty. Vic, tayo ay mag-ingat at huwag pairalin ang init ng ulo. Habang nabubuhay pa ang mga mahal natin sa buhay ay ipakita natin ang pagmamahal sa kanila dahil sa oras na sila’y namayapa na ay tanging ang kanilang puntod na lamang ang ating makikita at isang alaala mula sa kahapon.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

256

Related posts

Leave a Comment