PAGLAGO NG EKONOMIYA INAASAHAN NGAYONG TAON

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

NASA Davos, Switzerland ngayon si Pangulong Bongbong Marcos para dumalo sa World Economic Forum (WEF), at base sa mga naglalabasang ulat ay positibo naman ang resulta ng mga pakikipagpulong niya sa iba’t ibang dayuhang ‘captains of the industry’ at kapwa niya lider ng mga bansa.

Maraming kritiko ang pumupuna sa madalas umanong pagbiyahe sa abroad ni PBBM subalit suportado natin siya sa ginagawa niyang ito.

Mahalagang personal niyang maipabatid sa kapwa niya mga lider at maging sa potential foreign investors ang mga hakbanging ginagawa niya para tuluyan nang makaigpaw ang ekonomiya ng bansa.

Bilang bagong pangulo, mahalaga rin na personal niyang makausap ang mga dayuhang mamumuhunan nang sa ganoon ay maipakita niya ang mga repormang inilalatag ng pamahalaan para sa mas maayos na pagnenegosyo sa Pilipinas.

Dahil sa mga ginagawa niyang ito kaya naman kumpiyansa ang maraming mga ekonomista at maging ang local business leaders na lalago at sisigla ang ekonomiya ngayong taong 2023.

Sa ginanap na Laging Handa public briefing sa People’s Television (PTV) kamakailan, sinabi ng ekonomista na si Dr. Michael Batu, na nananatiling matatag ang macro-economic fundamentals ng Pilipinas.

Pinatutunayan aniya ito ng patuloy na pag-unlad ng kalakaran at ekonomiya na magreresulta sa paglago ng ating gross domestic product (GDP).

“May evidence po na ang inflation po eh pababa na. Pero hindi po ako nagsasabi na 100 percent ay bababa ito ngayong Enero, pero may mga indicators na baka ngayong Enero, bababa na ito,” sinabi ni Batu.

Suportado natin ang pananaw na ito ni Dr. Batu, dahil para sa akin ay talaga namang narating na ng inflation ang pinakamataas na antas nito nitong nagdaang Nobyembre at Disyembre kaya nararapat lang na bumaba na talaga ito.

Kung mapapansin ay tumaas pa nga ang bilang ng mga nagkaroon ng trabaho nitong nakaraang dalawang buwan subalit tumaas nga ang presyo ng mga bilihing pagkain na nagresulta naman sa mas mataas na inflation rate.

Tumaas na rin ang palitan ng piso laban sa dolyar at dahil nga sa mahusay na sales pitch ni PBBM sa mga dayuhang lider at mamumuhunan, ay inaasahang madaragdagan at magdadagsaan ang mga negosyong magbubukas sa darating na mga buwan.

Tandaan din natin na ang isa sa mga inilalako ni PBBM sa ibang mga bansa ay ang ating magagandang tourist destinations at dahil nga dito ay tiyak na dadagsa ang mga turista sa Pilipinas na lalo pang magpapasigla ng ating ekonomiya.

Kaya naman sa harap ng magagandang mga kaganapang ito ay tiyak na babangon na at lalakas ang ekonomiya ng bansa sa taong ito sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni PBBM.

556

Related posts

Leave a Comment