DAHIL sa patuloy na pagdagsa ng fake news sa social media, magpapatawag na ng pagdinig si Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Bong Revilla kaugnay sa panukalang pabigatin pa ang parusa sa nagpapakalat ng mga pekeng impormasyon.
Aminado si Revilla na maging siya ay hindi nakaligtas sa fake news makaraang maiulat siyang namatay dulot ng COVID- 19.
“Ang daming tumawag sa akin umiiyak, may isa nga mayor, muntik atakihin akala namatay na ako. Masakit para sa akin, buhay pa ako pinatay na ako tapos magpapakalat pa ng masasakit na salita, sana wag na,” saad ni Revilla.
“Wala po akong kasalanan sa inyo, ang buhay ko ay transparent,” diin pa nito.
Gayunman, hindi na rin anya tamang hindi pansinin ang mga responsable sa fake news at dapat na silang patigilin.
“Parang mali pag ini-ignore mo sa tingin ko i-head on mo na. Sa ngayon nagga-gather na ako ng mga ebidensya sa kanila, kinausap ko na rin ang PNP at NBI,” dagdag ng senador.
“Kasi magpapatuloy lang, masyado nang lumalaki ang ulo nila umaabuso na sa tingin ko putulin na ang sungay nila,” diin pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
117
