PAGPAPAHUSAY NG ISTRATEHIYA LABAN SA COVID-19

KASALUKUYAN nang nasa 1.9 milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Noong ika-29 ng Agosto ay naitala ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso sa isang araw sa bilang na 19,441. Kaugnay nito ay pumalo rin sa 27.1% ang positivity rate. Sa patuloy na pagsulpot ng iba’t ibang variant ng COVID-19 –mula Alpha hanggang sa pinakabago nitong Lambda—isa lang ang sigurado, matagal pa itong mananatili sa bansa. ­Maging ang mga eksperto ay hindi makapagbigay ng eksaktong petsa o taon kung kailan maaaring asahang matatapos ang pandemya.

Bunsod nito, kina­kailangang maging matalino at mahusay ang istratehiya ng bawat bansa. Bagaman napatunayang epektibo ang pagpapatupad ng mahigpit na lockdown bilang pamamaraan upang makontrol ang pag­kalat ng virus, hindi ito ­maituturing na pangmatagalang ­solusyon. Dapat ay makagawa ang pamahalaan ng sistema kung saan makokontrol ang pagkalat ng virus habang hinahayaang magpatuloy ang operasyon ng iba’t ibang ­sektor ng ekonomiya. Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, hindi bababa sa P150 bilyon ang nawawala sa bansa sa pagpapatupad ng mahigpit na lockdown.

Dapat ding siguruhin ng pamahalaan na ­nananatiling matatag at nabibigyan ng sapat na suporta ang ­ating healthcare system. Dapat mabigyan ng agarang ­solusyon ang suliranin ng mga ospital ukol sa mga claim nito na hindi pa nababayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Hindi na dapat hintayin na ­humantong sa puntong lubhang maapektuhan ang pinansyal na kalagayan ng mga ospital upang patuloy silang makapagbigay ng serbisyong medikal sa mga nangangailangan nito. Sa kapasidad ng ating healthcare system nakasalalay ang ating laban kontra COVID-19 kaya’t dapat tutukan ang problemang ito.

Kailangan ding masiguro na mananatiling tuluy-tuloy at agresibo ang ating programa sa pagbabakuna. Kailangan nating pantayan ang pagiging agresibo ng virus at ng mga variant nito. Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, hindi bababa sa 194 ­milyong doses ang kabuuang bilang ng tiyak na papasok sa bansa. Sa kabuuang bilang na ito, nasa 48.89 milyong doses ang nakarating na sa bansa mula Marso noong nakaraang taon hanggang noong ­ika-25 ng Agosto. Habang 145.7 ­milyong doses pa ang ­inaasahang papasok sa bansa bago magtapos ang taong 2021.

Nauna nang iminungkahi ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na hayaan ang mga kumpleto sa bakuna na lumabas upang makapagpatuloy sa pagtatrabaho. Ang mungkahing ito ay maituturing na lohikal at makatwiran dahil ang pagpapatupad ng parehong lebel ng restriksyon sa mga indibidwal na kumpleto sa bakuna at mga hindi pa nabakunahan ay tila taliwas sa layunin ng programa ng bansa.

Dapat bigyang laya ang mga kumpleto sa bakuna na mamuhay nang normal basta’t siguraduhing susunod pa rin ang mga ito sa ipinatutupad na mga panuntunan ukol sa kaligtasan at kalusugan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, at ang pagsasaugali ng social distancing.

149

Related posts

Leave a Comment