PAGPAPALAGO NG EKONOMIYA SA KABILA NG PANDEMYANG COVID-19

SA wakas ay tila kontrolado na natin ang pagkalat ng COVID-19 virus sa bansa. Ito ang ipinakikita ng pananatili ng bilang ng bagong kaso ng virus kada araw sa mababang antas kumpara sa naging karaniwang bilang nito na nasa humigit kumulang 20,000 noong Setyembre. Sa katunayan, noong ika-3 ng Nobyembre ay naitala ang pinakamababang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa loob ng walong buwan na nasa 1,591 lamang. Dalawang linggo na ring ­nananatiling mababa sa 10% ang naitalang positivity rate.

Bunsod ng patuloy na pagpabor sa atin ng mga numero, isinailalim na ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) mula ika-5 ­Nobyembre hanggang sa ika-21 ng buwan. Sa ilalim ng nasabing alert level, ang mga negosyo ay maaaring magpatuloy ng operasyon na may mas mataas na kapasidad kung ang mga empleyado ay kumpleto na sa bakuna. Kung indoor ang gusali, maaari itong tumanggap nang hanggang 50% ng kapasidad nito. Kung outdoor naman o open air, hanggang 70% ang maaaring tanggapin. Tanging mga indibidwal na kumpleto sa bakuna lamang at mga menor de edad, kahit na ang mga ito ay hindi pa nabigyan ng bakuna, ang maaaring tanggapin sa mga negosyo at gusali.

Napakagandang balita na tila unti-unti na tayong nakababalik sa ­ating normal na paraan ng pamumuhay. Upang lalo pang paigtingin ang ­muling pag­ bubukas ng ating ekonomiya, nagpahayag ng mungkahi si Presidential aspirant at Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM). Aniya dapat maging handa ang Pilipinas upang makahabol sa pagbangon ng ekonomiya ng ibang bansa.

Malaking tulong sa ating pagbangon kung ang Pilipinas ay handang makipagsosyo sa mga ito at mag-angkat ng mga produkto na kailangan ng ibang bansa.

Isang magandang hal­imbawa rito ay ang pagtanggal ng ban ng pamahalaan ng Australia sa pineapple canned ­products na mula sa Pilipinas. Ang nasabing ban ay ipinatupad sa loob ng 15 taon kaya’t ang balitang ito ay maituturing na isang tagumpay para sa ating bansa, lalo na sa sektor ng agrikultura.

Ang nabanggit ay ­bahagi ng programang “Tawid COVID, Beyond COVID” ni BBM. Ang nasabing programa ay koleksyon ng mahuhusay na inisyatiba at istratehiya na naglalayong pagandahin at iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino. Ayon kay BBM, kailangan nating hanapan ng ­paraan kung paano makapapamuhay nang normal sa kabila ng pananatili ng COVID-19.

Maaaring hindi agad mawawala ang nasabing virus, ngunit ang sitwasyon natin sa kasalukuyan ay patunay na kayang-kaya itong kontrolin basta’t tayo’y nag-iingat at nagkakaisa.

Bagama’t bumubuti na ang ating sitwasyon, ito ay hindi nangangahulugan na wala na ang virus sa bansa. Hindi tayo dapat makampante, bagkus, tayo ay manatiling ma­ingat. Dapat ipagpatuloy ang pagsunod sa mga panuntunang pangkaligtasan at pangkalusugan na ipinatutupad ng pamahalaan. Dapat samantalahin ng pamahalaan ang pagkakataong ito habang wala pang bagong variant na kumakalat sa bansa. Kailangang paigtingin ang programa sa pagbabakuna ng bansa upang mas mabilis nating makamit ang ating inaasam na herd immunity. Ito ang susi sa ating muling pagbangon bilang isang nagkakaisang bansa.

460

Related posts

Leave a Comment