Idinaos ng Meralco Power Academy ang tatlong araw na Giga Summit on Sustainable Energy, Energy Efficiency, and Future Grid kung saan tinalakay ang iba’t ibang ideya at kaalaman mula sa higit 30 na lokal at internasyonal na eksperto sa industriya ng kuryente.
Para sa Pilipinas, napakahalaga ng pagkakaroon ng sapat at maaasahang serbisyo ng kuryente upang masigurong tuluy-tuloy ang paglago ng ekonomiya. Kasing-halaga rin nito ang pagsiguro na magiging sustainable ang industriya ng enerhiya para patuloy nitong mabsuportahan ang mga inisyatiba ng pamahalaan tungo sa pag-unlad.
Kaya nga nakikipagtulungan ang Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, sa pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa pamamagitan ng Meralco Power Academy (MPA), inorganisa ng Meralco ang kauna-unahang Giga Summit on Sustainable Energy, Energy Efficiency, and Future Grid. Sa loob ng tatlong araw, nagbahagi ng kani-kanilang mga kaalaman ang higit sa 30 na lokal at internasyonal na mga dalubhasa sa industriya ng enerhiya.
Layuning tumulong sa pagpapalakas ng industriya ng enerhiya sa bansa, ang Giga Summit ay nagsilbing plataporma kung saan tinalakay ng mga lider, mga regulator, mambabatas, at mga eksperto ang iba’t ibang angkop na paksa na makatutulong sa pagsiguro ng maayos na hinaharap ng industriya.
Isa sa mga pangunahing paksang tinalakay sa naturang Summit ang pagkamit sa sustainable energy sa pamamagitan ng paggamit ng mga modernong teknolohiya para sa suplay ng kuryente na makabubuti sa mga tao at sa planeta. Isa rito ang nuclear energy na pinagtutuunan ng pansin ng maraming miyembro ng industriya ng kuryente sa kasalukuyan.
Naging tunay na makabuluhan ang ginanap na Giga Summit dahil sa kaalamang ibinahagi ng mga eksperto sa nuclear energy na kinabibilangan ng Pilipinong nuclear scientist na naka-base sa Canada na si Dr. Francisco “Ike” Dimayuga ng Atomic Energy of Canada Limited, Ultra Safe Nuclear Corporation Executive Vice President Roland Backhaus, University of California Berkeley Director of International Partnerships for College of Engineering Dr. Matthew P. Sherburne, at University of Illinois Urbana-Champaign, Director of Illinois Microreactor R&D Center Dr. Caleb Brooks
Isa ang Pilipinong scientist na naka-base sa Canada na si Dr. Francsisco “Ike” Dimayuga ng Atomic Energy of Canada Limited sa mga ekspertong naimbitahang dumalo sa Giga Summit. Tinalakay niya ang potensyal na taglay ng mga Small Nuclear Reactor sa pagkamit ng sustainable at sapat na kuryente sa bansa.
Bilang suporta sa inisyatiba ng pamahalaan na idagdag ang nuclear sa energy portfolio ng Pilipinas, inilunsad ng Meralco ang programang Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering (FISSION).
Ayon kay Meralco Chairman at Chief Executive Officer Manuel V. Pangilinan, layunin ng Meralco na magsanay ng mga Pilipinong nagnanais maging nuclear engineer upang makatulong sa paghahanda sa pagpasok ng teknolohiya ng nuclear sa bansa sa pamamagitan ng edukasyon at pagsasanay sa larangan ng nuclear engineering.
Una nang ipinahayag ni Mr. Pangilinan ang kahandaan ng kumpanya nitong Marso 2023 ng planong maglunsad ng scholarship program. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagbuo ng mga regulasyon ukol sa nuclear at pagkakaroon ng mga indibidwal na may sapat na kakayahan at kaalaman ukol dito upang maihanda ang Pilipinas sa paggamit ng teknolohiyang nuclear sa hinaharap.
Nakikipagugnayan na ang Meralco sa mga unibersidad sa labas ng bansa na kilala sa husay at galing sa larangan ng engineering kaugnay ng programang FISSION. Kabilang dito ang University of California Berkeley, ang University of Illinois, Korea Advanced Institute of Science and Technology, ang University of Ontario Institute of Technology, at ang Université Paris–Saclay.
Nakatakdang tumakbo mula 2025 hanggang 2027, ang programang ito ay bubuksan para sa mga Pilipinong nagtapos ng mga kursong Mechanical, Electrical, Materials, at Metallurgical Engineering, Physics, at iba pang kahawig na kurso.
Matapos ang dalawang taong pag-aaral, sasailalim ang mga iskolar sa isang taong aktwal na pagsasanay, mula 2027 hanggang 2028, sa mga pasilidad ng SMR (Small Modular Reactor) at MMR (Micro Modular Reactor) sa labas ng bansa na magiging bahagi ng programa gaya ng Atomic Energy of Canada Limited (AECL) at Ultra Safe Nuclear Corporation (USNC).
Sa pagtatapos ng programa, ipatutupad ng Meralco ang inihanda nitong Re-entry Action Plan bilang paghahanda para sa pagbabalik sa Pilipinas ng mga iskolar sa 2029. Ang mga bagong nuclear engineer ay inaasahang magsisilbi sa kumpanya at sa bansa gamit ang kanilang mga natutunan mula sa FISSION.
Ipinahayag ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan na magpapadala ang Meralco ng mga engineer sa ibang bansa para sumailalim sa dalawang taong graduate program. Ang naturang programa ay bubuksan para sa mga Pilipinong nagtapos at nagtatrabaho sa larangan ng Mechanical, Electrical, Material Engineering, at iba pang kaugnay na kurso.
Bilang pagtatapos ng kanyang talumpati, ipinahayag ni Mr. Pangilinan na umaasa siyang ang inisyatibang ito ang magsisilbing hudyat ng opisyal na pagsisimula ng paghahanap ng mga bagong opsyon upang makamit ng bansa ang mithiin nitong magkaroon ng maayos at sustainable na kinabukasan.
Paglulunsad ng K-Ligtas Awards
Itinuturing ng Meralco bilang isa sa pinakamahalagang aspeto ng araw-araw na operasyon ng kumpanya ang kaligtasan.
Upang mahikayat ang mga customer at stakeholder nito na maging tagapagtaguyod ng kaligtasan, pormal na inanunsyo ng MPA ang pagbubukas ng ika-limang K-Ligtas Awards sa ginanap na Giga Summit.
Ang K-Ligtas na nangangahulugang Kuryenteng Ligtas ay isang adbokasiya ng Meralco na nagsusulong ng kaligtasan sa paggamit ng kuryente. Ito ay isinasagawa ng MPA sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at organisasyong may awtoridad ukol sa mga sistemang elektrikal, pangangasiwa ng labor, at pampublikong kaligtasan kabilang ang Department of Energy (DOE); Department of Labor and Employment – Occupational Safety and Health Center (DOLE-OSHC); Professional Regulation Commission Board of Electrical Engineering; at ang Bureau of Fire Protection (BFP).
Pormal na inanunsyo ng Meralco Power Academy ang pagbubukas ng 5th K-Ligtas Awards sa ginanap kamakailan na Giga Summit on Sustainable Energy, Energy Efficiency, and Future Grid.
Sa pamamagitan ng K-Ligtas Awards, kinikilala ang iba’t ibang kumpanya at organisasyong kapwa nagsusulong ng pampublikong kaligtasan at masinop na paggamit ng kuryente sa kani-kanilang mga institusyon.
Inilunsad noong 2015, ang K-Ligtas ang kauna-unahang programa sa bansa na nagbibigay ng pagkilala sa mga kumapanya, organisasyon, at institusyong nagsusulong ng pampublikong kaligtasan.
Ang mga kumpanya ng Wyeth, Samsung, Nestle, at Hotel Jen ay ilan lamang sa mga kilalang kumpanyang dati nang nanalo sa mga nakaraang K-Ligtas Awards.
Sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa at inisyatiba ng MPA, magpapatuloy ang akademya sa pagdudulot ng positibong epekto sa industriya ng kuryente. Magpapatuloy din ang MPA sa pagiging katuwang ng pamahalaan at ng industriya sa pagsiguro na mayroong sapat, maaasahan, at sustainable na suplay ng kuryente ang bansa bilang paghahanda sa hinaharap at sa pagdating ng bagong henerasyon.
