PAGPAPALAYA SA 22K PDLs PINURI NI NOGRALES

IKINASIYA ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang pagpapalaya ng jail managers sa buong bansa sa 22,000 Person Deprived with Liberty (PDL) na naging dahilan ng pagluwag ng mga
kulungan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Partikular na pinasalamatan ni Nograles ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kanilang pasisikap na mapalaya ang PDLs na may magagaan na kaso, may sakit at buntis sa gitna ng pandemya na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19.

Base sa report ng Department of Interior and Local Government (DILG), nakapagpalaya ang BJMP ng 21,858 PDLs mula Marso 17 hanggang Hulyo 13, sa 470 jail facilities sa buong bansa. Kabilang sa mga napalaya ang 409 matatandang PDLs, 621 may sakit at 24 buntis.

Nakatulong umano ang pagpapaluwag sa mga kulungan para makontrol ang pagkalat ng COVID-19, na sa kasalukuyan ay may 180 active cases na kinabibilangan ng 126 PDLs at 54 BJMP personnel habang umaabot naman sa 895 ang nakarekober at 11 ang namatay.

“Kung hindi inaksyunan, we might be dealing with a far worse situation than the one we are already facing,” ani Nograles kaya malaking tulong aniya ang magpapalaya sa halos 22,000 PDLs sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Magugunita na si Nograles ang nanawagan sa BJMP na palayain ang PDLs na magagaan ang kaso, may sakit at matatanda. nang sumabog ang pandemya sa COVID-19.

Pinuri rin ng mambabatas ang kautusan ng Korte Suprema sa trial judges na suspendehin muna ang pag-iisyu ng commitment order sa mga BJMP-run jail kaya lahat ng criminal offenders ay mamatili mula sa detention facilities ng Philippine National Police (PNP) hanggang Agosto 31.

“Mahalagang nagtutulungan tayo na mabawasan ang pagkalat ng COVID-19,” ayon pa kay Nograles na isang Harvard trained lawyer at founder ng Lakbay Hustisya Foundation at nasa likod ng e-dalaw project katuwang ang BJMP.

Nag-donate si Nograles ng 40 computers sa mga bilangguan sa bansa na ginamit ng PDLs para makausap ang kanilang pamilya matapos ipagbawal ang mga personal na pagdalaw sa PDLs dahil sa COVID-19 at maging sa pagdinig sa kanilang mga kaso on-line.

“We are working to provide more computers to our jails to ensure that more inmates get to communicate with their lawyers. Kailangang siguruhin na gumagalaw pa rin ang gulong ng hustisya kahit sa panahon na ito,” ani Nograles.

“Gumagawa tayo ng mga hakbang, sa pakikipag-ugnayan natin sa BJMP, para masigurong makakapanayam pa rin ng ating mga PDL ang kanilang mga abogado kahit suspended ang visitation rights,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

144

Related posts

Leave a Comment