SINIGURO ni Senador Christopher Bong Go na papananagutin si dating Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa pagmamaltrato sa kasambahay nitong Pilipino.
Ito ang pahayag ni Go kasunod ng pagdating sa bansa ni Mauro kamakalawa ng gabi para harapin ang isasagawang imbestigasyon laban dito ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“Babantayan natin ang imbestigasyon na ito at sisiguraduhin na mapanagot ang dapat managot. Hindi tayo papayag na pagtakpan o mapalampas lang ang nangyari at hindi mabigyan ng hustisya ang naapi,” giit ni Go.
Aniya, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabing dapat imbestigahan ang dating ambassador dahil sa nakuhang video na makailang beses nitong sinaktan ang Pinoy helper.
“On my end, especially as a senator, I wish to reiterate that the protection of the rights and the promotion of the welfare of ordinary Filipinos are my utmost priority,” aniya.
Umaasa ang senador na magiging patas ang DFA sa imbestigasyon nito at hindi magpapaapekto sa pahayag ng publiko pabor o hindi man kay Mauro.
Paalala pa ng senador na ang trabaho ng isang public servant lalo na ang ambassador ay protektahan ang bawat Pilipino at magsilbing ehemplo sa mga kababayan nito.
Una nang sinabi ni Go na handa itong tumulong sa mga inaabusong house staff workers at mga kasambahay. (NOEL ABUEL)
