PINABULAANAN ng Presidential Communications Office (PCO) ang kumakalat na post online na nagsasabing ooperahan ang Pangulo matapos umanong ma-diagnose ng diverticulitis.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang katotohanan ang naturang mga ulat.
“Wala pong ganoong balita na maibibigay po tayo dahil ngayon po ang Pangulo ay nasa meeting. So, ‘yan po ay fake news,” diin ni Castro sa press briefing sa Malacañang.
Sinabi ni Castro na kasalukuyang dumadalo ang Pangulo sa Economy and Development Council (EDC) meeting kasama ang kanyang economic team, patunay na maayos ang kalagayan nito.
“Sa ngayon po, wala siyang iniinda,” aniya pa.
Matatandaang kamakailan ay isinugod ang Pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos makaranas ng discomfort—isang insidenteng sinamantala umano ng ilang netizens para magpalaganap ng maling impormasyon.
(CHRISTIAN DALE)
3
