NATULOY ang pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kina House Speaker Lord Allan Velasco at dating Speaker Alan Peter Cayetano Lunes ng tanghali.
Sa pulong ay napagkasunduan ng dalawang kinatawan ng Kongreso na magtulungan bilang iisang majority upang masiguro na maipapasa sa tamang oras ang 2021 budget at iba pang priority legislation ng Duterte administration.
“President Rodrigo Roa Duterte’s meeting with House Speaker Lord Allan Velasco and former Speaker Alan Peter Cayetano pushed through in the early afternoon of Tuesday, October 13. In the course of the meeting, the two representatives agreed to work together as one majority in order to ensure the timely passage of the 2021 budget and other priority legislation of the Duterte administration,” ayon kay Sec. Roque.
“All is well”
Ito naman ang paglalarawan ni Senador Bong Go sa naging pulong ni Pangulong Duterte kina Velasco at Cayetano.
“Parang tatay si Tatay Digong kinausap mga anak nya. Pinagpayuhan na magkaisa. One majority and pass the budget on time para sa sambayanang Pilipino,” ayon kay Go.
Tapos na ang boksing!
Sinabi naman ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa usapin ng Speakership sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kaagad na nagpaabot ng pagbati ang Malakanyang sa bagong lider ng Kamara sa katauhan ni Velasco.
Sinabi ni Sec. Roque na kinikilala ng Malakanyang ang liderato ni Velasco bilang bagong Speaker of the House.
Kasabay ng pagpapahatid ng congratulations o pagbati ay ang paninindigan ni Sec. Roque na ang paghahalal ng Speaker ay resulta ng desisyon ng mga kongresista.
Dahil dito, umaasa ang Malakanyang na maaaprubahan sa 3rd at final reading ang 2021 proposed national budget sa Kamara mula ngayon hanggang Biyernes.
Samantala, natuwa ang Department of Budget and Management (DBM) nang matuldukan ang gulo sa Kamara de Representantes.
Umaasa si Secretary Wendel Avisado na maipapasa ang badyet sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Oktubre 16, huling araw ng sesyon ng Kamara bago ito opisyal na magbakasyon.
Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Nobyembre 16, bubusisiin naman ng Senado ang ipapasa ng Kamara na badyet.
Ang pahayag ni Avisado ay nakaugnay sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na masigurong magkaroon ng badyet ang administrasyong para sa susunod na taon upang hindi magkaproblema ang pamahalaan sa operasyon nito. (CHRISTIAN DALE/NELSON S. BADILLA)
148
