HINILING ng ilang kasamahan sa pamamahayag ng pinaslang na dating tabloid editor at SAKSI Ngayon advertising manager na si Gwenn Salamida, sa Philippine National Police (PNP) na laliman at lawakan ang imbestigasyon dahil posibleng ginamit lang ng mga salarin ang motibong robbery para iligaw ang mga pulis.
Dapat din anilang silipin ng pulisya kung may kaugnayan sa pamamaslang kay Adam Moraleta, isa ring media man, ang kaso.
Matatandaan, dalawang taon pa lamang ang nakararaan ay binaril at napatay rin si Moraleta na dating kasamahan ni Salamida noong editor pa ito sa isang daily tabloid.
Samantala, nangangamba ngayon ang isa pang kasamahan nina Moraleta at Salamida dahil posibleng siya ang sunod na target ng mga salarin.
Bunsod nito, nananawagan ito sa pulisya na tingnan ang lahat ng posibilidad sa kaso sa halip na mag-focus sa anggulong robbery.
Hindi robbery
WALANG nangyaring holdap sa pamamaslang sa dating editor ng daily tabloid na si Salamida, kundi tinarget talaga ng riding in tandem noong Martes ng hapon.
Ito ang lumalabas kung pagbabatayan ang spot report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) na ang pakay ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ay ang mamamahayag na si Salamida at nadamay lamang ang kinakasama nito na si Oliver Perona na nakaratay pa rin sa isang ospital sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ibinigay na salaysay sa mga pulis ni Jab Daven Clava, Grab food delivery, nag-deliver siya ng pagkain sa mga biktima nang biglang sumulpot ang isang lalaki na armado ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril si Salamida at isinunod si Perona.
Dahil dito, posibleng matagal nang nag-aabang ang mga suspek sa lugar at tiniyempuhan ang pag-deliver ng Grab driver ng inorder na pagkain ng mga biktima para makapasok sa salon and spa na pag-aari ng lady editor.
Matapos ang pamamaril ng gunman, agad itong nagtungo sa motorsiklo kung saan naghihintay ang kasabwat at mabilis na tumakas.
Inilarawan ang gunman na nakasuot ng itim na t-shirt, itim na bull cap, itim na face mask habang ang driver ay nakasuot ng puting jacket at helmet na nakasakay sa motorsiklong hindi naplakahan.
Tututukan ng PNP
IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar nitong Miyerkoles ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa pagpatay kay Salamida sa Quezon City noong Martes, Agosto 17.
Sa ibinabang direktiba, ipinag-utos ni P/Gen. Eleazar na busisiin ang lahat ng mga anggulo para mabatid ang tunay na motibo sa pagpatay at matukoy ang mga nasa likod nito.
“I have tasked the Quezon City Police District to thoroughly investigate this incident. Lahat ng anggulo ay ating titingnan upang malaman ang tunay na motibo sa krimen at madakip ang salarin,” ani PNP chief.
Base sa paunang imbestigasyon, binaril sa ulo ang biktimang si Gwenn Salamida, advertising manager ng SAKSI Ngayon, ng mga suspek na pumasok sa kanyang beauty salon sa Quezon City.
Binaril din ang kasama ng biktima na nasa kritikal na kondisyon ngayon.
Nabatid na pagnanakaw ang unang tinitingnang motibo ng pulisya sa insidente.
Nagpaabot ng pakikiramay si P/Gen. Eleazar sa pamilya ng biktima.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ng biktima at sisiguraduhin natin na mabibigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay,” (TJ DELOS REYES/JESSE KABEL)
188 