HINILING ni Senador Panfilo Lacson sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kahit na kaunting pagluluwag lamang sa pagpapatupad ng health protocols sa mga dumarating na balikbayan at overseas Filipino workers (OFWs).
Ito ay sa harap ng katotohanang kailangang gumastos nang malaki ang mga balikbayan sa pagsasailalim sa mga proseso, kasama ang pananatili ng ilang araw na “quarantine” sa mga hotel.
“Find the middle ground. We cannot be too stiff, too stringent. May occasion dapat na flexible tayo,” banggit ni Lacson sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Agad namang sinegundahan ni Senate President Vicente Sotto III ang panawagan ni Lacson.
Inihalimbawa ni Lacson ang dinanas ng isang empleyado na umuwi galing sa ibayong dagat ngayong taon at inatasang sumailalim sa quarantine sa isang hotel sa loob ng anim na gabi – at kailangang magbayad ng P10,000 kada gabi ng pananatili.
Binanggit din ni Lacson ang pagluluwag na ginawa ng lokal na pamahalaan ng Cebu sa mga residenteng umuuwi roon. Aniya, nagpatupad ito ng sariling sistema sa pagsusuri at pag-quarantine, kabilang na ang agarang pagpapauwi sa mga ito as oras na lumabas ang negatibong resulta. (ESTONG REYES)
