PAGPATAY SA RETIRED COLONEL, IKINABAHALA NG PARTY-LIST SOLON

NABABAHALA si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa brutal na pagpatay sa isang retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Matalam, Cotabato kahapon.

Ang biktimang si retired Col. Leonardo Songcaya ay ang pangulo ng Cotabato Provincial Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines.

Pinamumunuan din ni Songcaya ang Kidama Communal Irrigator’s Association, na nagsusulong ng interes ng mga magsasaka sa Region 12.

Ayon pa kay Ordanes sa kabila ng pagiging stroke victim, aktibo at masigasig ang biktima sa pangangalaga sa mga karapatan, kapakanan at pribilehiyo ng senior citizens sa SOCCSKSARGEN.

“Ang pag-atakeng ito ay hindi lamang karahasan laban sa isang indibidwal, kundi isang seryosong paghamak sa dignidad at seguridad ng mga nakakatanda,” diin ng mambabatas.

Base sa ulat ng mga awtoridad, minamaneho ni Songcaya ang kanyang pick-up truck nang pagbabarilin sa hangganan ng Barangay Poblacion at Matalam.

Kasabay nito, hinikayat ng mambabatas ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente para mabigyan ng hustisya si Songcaya.

“Walang anumang dahilan ang maaaring magbigay katwiran sa insidenteng ito, lalo na sa isang matandang lingkod-bayan na patuloy pang nagsisilbi sa kabila ng kahinaan ng katawan,” dagdag pa ni Ordanes.

Samantala, nag-alok na ng P500,000 pabuya si Matalam Mayor Oscar Valdevieso para sa anomang impormasyon na makatutulong para makilala at mahuli ang mga salarin.

3

Related posts

Leave a Comment